PINANGUNAHAN nina Manila Mayor Honey Lacuna, House Speaker Martin Romualdez at Congressman Irwin Tieng (5th district) ang groundbreaking ceremony para sa itatayong gusali ng Governor Benjamin T. Romualdez Cancer Center. sa Maynila ba magbibigay sa mga residente ng libreng medical assistance sa lahat ng may sakit na cancer.
Buong-pusong pinasalamatan ni Lacuna si Romualdez at Tieng para sa nasabing proyekto at sinabing hindi mabilang ang mga residente na mayroong sakit na kanser na lalo pang pinahihirapan ng sobrang mahal ng proseso ng gamutan dito pati na rin ang mga gamot na kimakailangan.
Ayon kay Lacuna, ang cancer center ang siyang kauna-unahan sa lungsod at ito ay magbibigay ng libreng tulong sa mga dumaranas ng nasabing sakit nang walang gagastusin ang pasyente.
Pinasalamatan naman ni Tieng si Lacuna sa paglalaan nito ng 2,000 square meters na prime lot para sa nasabing center na itatayo sa loob ng Ospital ng Maynila compound malapit sa kanto ng Roxas Boulevard at Quirino Avenue.
Ayon kay Tieng, ang center na ipapangalan sa yumaong ama ni Speaker Romualdez na si Gov. Benjamin ‘Kokoy’ Romualdez, ay magkakaroon ng limang palapag at maglalaman ng 38 beds, state-of-the-art medical technology na kinabibilangan ng Spect Gamma Camera with Treadmill Machine at CT Scan at Linear Accelerator na magbibigay sa pasyente ng ‘non-invasive radiation therapy. ‘
Ang Ospital ng Maynila ay isa sa anim na public hospitals na pinatatakbo ng pamahalaang-lungsod ng Maynila na nagbibigay ng libreng medical services sa mga residente..
Sa bahagi naman ni Lacuna, pinasalamatan niya si Romualdez at Tieng para sa center at sa pagsuporta sa lahat ng ginagawa ng kanyang administrasyon sa pagbibigay ng malawak na libreng health services sa lahat ng nangangailangan.