Latest News

“Ginagarantiyahan ko, ‘di ako mapapahiya kay Honey Lacuna” — Isko

NANAWAGAN si Aksyon Demokratiko standard bearer Mayor Isko Moreno sa lahat ng Manileño na iparamdam ang kanilang presensya sa buong bansa sa pamamagitan ng pagpapaalam sa mga positibong pagbabago na naganap sa Maynila sa halos dalawang taon lamang kasabay ng kanyang pagmamalaki na si Vice Mayor Honey Lacuna na ang hahalili sa kanya bilang sunod na alkalde ng kabisera ng bansa.

“Ginagarantiyahan ko kayo, hindi ako mapapahiya kay Honey Lacuna. Makapaglalakad ako sa lahat ng iskinita at sulok ng Maynila na matangos ang ilong ko.. maipagmamalaki kong hindi kayo pababayaan ni Honey,” pahayag ni Moreno sa ginanap na grand proclamation rally ng lokal na partidong Asenso Manileno noong Linggo ng gabi sa Sampaloc, Manila.

Idinagdag pa niya na : “Gusto nyo ba tuloy-tuloy ang progreso ng lungsod? Gusto n’yo ba na tuloy-tuloy ang pagtaas ng antas ng pammuhay sa Maynila? Na muli ninyong maipagmamalaki na ako ay ‘Batang Maynila’? Kayang gawin ‘yan ni Honey Lacuna.”


Ipinagmalaki rin ng alkalde ang kalidad ng bumubuo ng tiket ni Lacuna mula sa Vice Mayoral candidate na si Congressman Yul Servo hanggang sa mga kandidato sa pagka- Congressmen at Councilor na pawang mga “battle-tested” na hindi sila iniwang dalawa ni Lacuna sa gitna ng pandemya. Katunayan ay sinuportahan pa ang lahat ng kanilang programa para sa benepisyo ng mga residente.

“Kasama natin sila sa giyera, walang umurong, walang nang-iwan. Tapos me dadating dito bigla akala mo “super friends”, biglang magbibida-bida? Wag kayo magpapa-tolongges. Maawa tayo sa ating lungsod na ngayon pa lamang ulit umaangat,” giit ni Moreno.


“Ngayon, pag binigyan nyo ako ng pagkakataon, hanggang dulo sinamahan ninyo ako na isulong ang bansa, tuloy-tuloy na ito, todo-todo na ‘to. Ngayon, bukang-buka na naman ang dibdib ko nawalan na naman ako ng kaba at nakikita ko sa mga mata ninyo, sa mga ngala-ngala at sa mga ngiti ninyo, may pag-asa si Isko Moreno!”, pahayag ng alkalde sa may tinatayang 100,000 na bilang ng mga audience.

Naluluhang pinasalamatan ni Moreno ang mga Manileño sa pagbibigay sa kanya ng pagkakataon na makapaglingkod bilang mayor sa kabila ng kanyang murang edad. Sinabi rin ni Moreno na sana ay napasaya niya ang mga Manileño sa narating ng lungsod ng Maynila sa ilalim ng kanyang pamamahala. Kinilala at pinasalamatan din niya ang tulong na nakuha niya mula kay Manila Vice Mayor Danny Lacuna na dumalo rin sa nasabing pagtitipon.


Ayon pa sa alkalde ay higit na lumakas ang kanyang pagtitiwala nang makita at masaksihan ang napakaraming taong nagsidalo sa proclamation rally at hiniling niya sa mga ito na ipagkalat ang magagandang pangyayari sa Maynila na nais niya ring gawin sa buong bansa.

“Gisingin ninyo ang diwa ninyo. Kailangan nating dumami. Ngayon, malakas na ulit ang loob ko,” sabi pa ng alkalde.

Samantala ay nanawagan si Moreno sa lahat ng Manileño na kumbinsihin ang kanilang mga kaibigan, kamag-anak at mahal sa buhay na itapon na ang lumang pulitika at hayaang ang bagong dugo ang maupo kung gusto nilang magkaroon ng pagbabago sa bansa.

“Wag kayong magpapa-tolongges sa mga lumang pulitiko sa Maynila. Itinapon nyo na ‘yun. Isinuka nyo na ‘yun. Aso lang ang kumakain ng isinuka niya. Ang mga taga-Maynila ay hind aso. Pagpahingahin nyo na sila. Bago naman,” sabi pa ni Moreno.

Sa bahagi naman ni Lacuna, tiniyak niya na lahat ng mga proyekto na ginawa ng Moreno-Lacuna tandem sa Maynila ay magtutuloy-tuloy tulad ng mass housing, monthly cash aid sa senior citizens, university students, PWDs at solo parents at pati na ang mga tugon sa pandemya tulad ng food security program, pagbibigay ng gadgets na may internet sa mga estudyante at teaching personnel, free swab tests sa mga taga-Maynila at hindi taga-Maynila at pati na ang pagtatayo ng Manila COVID-19 Field Hospital. (TSJ)

Tags: Mayor Isko Moreno

You May Also Like

Most Read