Tuloy-tuloy ang paghakot ng mga pagkilala at karangalan ng Maynila sa ilalim ng administrasyon ni Manila Mayor Honey Lacuna.
Matapos tumanggap ng kauna-unahang ‘Seal of Good Local Governance’ ang lungsod sa buong kasaysayan nito mula sa Department of the Interior and the Local Government (DILG), ginawaran naman ng panibagong parangal ang pamahalaan ni Lacuna mula sa National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC).
Ayon kay Lacuna, pinagkalooban ng NDRRMC ang pamahalaang-lungsod ng ‘Gawad Kalasag Seal of Excellence,’ na isa sa mga pinakamataas na pagkilala sa bansa, para sa mahusay at epektibong pagpapatupad ng disaster risk reduction and management (DRRM) action plan nito.
Ang karangalang ito ay bilang pagkilala sa pagtalima ng lungsod sa mga itinatakdang alituntunin ng Republic Act No. 10121 o ang “Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010”, gayundin sa patuloy na pagpapatupad ng pamahalaang-lungsod ng mga hakbang na naglalayong gawing ligtas ang mga Manileño mula sa epekto ng iba’t -ibang sakuna.
Kaugnay nito, pinasalamatan naman ni Lacuna ang NDRRMC sa natanggap na parangal at ibinahagi ang kredito sa mga kasamahan sa pamamahala.
Binigyang-diing muli ng alkalde na naging posible ang lahat ng ito dahil na rin sa pagtutulungan at dedikasyon ng lahat ng mga opisyal at sa buong kawani ng City Hall, pati na ang mga residente ng Maynila.
Pinuri rin ni Lacuna ang mga tauhan ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa ilalim ng direktor nitong si Arnel Angeles, sa pagkakaroon ng round-the-clock na serbisyo sa lungsod at sa mga residente nito nang walang hinihinging kapalit.
Idinagdag pa ng alkalde na maging ang monitoring ng lagay ng panahon, ay tuloy-tuloy lamang ang MDRRMO, pati sa pag- update sa city government kung anong aksyon ang gagawin kung isususpindi ang klase o hindi.
Ani Lacuna, ang MDRRMO ang unang rumeresponde sa mga taong kailangang isalba sa oras ng kalamidad tulad ng bagyo, malalang pagbaha lalo na sa lugar na tulad ng Baseco, Isla Puting Bato at Parola maging sa insidente ng sunog.
“Hindi po nila iniisip ang sarili nilang kaligtasan. Para po sa kanila, mas importante ang buhay ng iba, bago sa kanila.” dagdag pa ni Lacuna.
Ang Gawad KALASAG ay isang karangalan na ibinibigay ng NDRRMC bilang pagkilala sa mga stakeholders sa kanilang ginagawang pagtataguyod ng disaster prevention. Ang nasabing parangal ay ginagabayan ng ang mga prinsipyo tulad ng transparency, partnership, innovativeness at self-reliance.
Ito ay inorganisa ng Office of Civil Defense – NDRRMC, ang Gawad KALASAG (KAlamidad at Sakuna LAbanan SAriling Galing ang Kaligtasan) at taunan ay may seremonya ng paggawad ng parangal sa mga mahahalagang inisyatibo para sa promotion at advancement ng DRRM sa bansa.
Matatandaang kamakailan lamang ay tinanggap ng Manila City Government ang kanilang kauna-unahang ‘Seal of Good Local Governance’ mula sa Department of the Interior and the Local Government (DILG).