Patuloy lang sina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo sa pagbibigay ng diretsong serbisyo sa tao sa gitna ng mga paninira laban sa kanila. (JERRY S. TAN)

MGA PANINIRA, ‘FAKE NA FAKE NEWS ‘— MAYOR HONEY LACUNA

By: Jerry S. Tan

PINALAGAN ni Manila Mayor Honey Lacuna ang walang tigl na ‘black propaganda’ laban sa kanyang administrasyon.

Kasabay niyan ay nanawagan rin ang alkalde sa mga residente na palagiang kumuha lamang ng tamang impormasyon sa mga reliable sources tulad ng barangays, sa halip na umasa sa social media platforms na hindi maasahan o mapagkakatiwalaan at bagkus ay madalas na fake news pa ang dala.


Ginawa ni Lacuna ang pahayag kasabay ng pagbibigay- suporta nila ni Vice Mayor Yul Servo sa mga chairmen sa pamamagitan ng pag-iikot sa mga barangay na nagsasagawa ng kanilang 2nd Semester CY 2024 Barangay Assembly sa temang, “Talakayan sa Barangay: Aktibong Diskusyon ng Pamayanan Tungo sa Masigla at Maunlad na Bagong Pilipinas” na atas ng Department of the Interior and Local Government (DILG) sa mga barangay.

Partikular na binatikos ni Lacuna ang fake news na ipinapakalat ng kanyang mga kalaban sa politika, patungkol sa mga senior citizens na pinalalabas na pinagkakaitan ng kanilang monthly allowances at wala rin umano siyang ginagawa bilang alkalde.

“Sabi ng isang marites, inaapi daw namin ang seniors at di natatanggap ang allowance,” ani Lacuna, sabay tanong sa mga senior citizens na naroroon kung natatanggap nila ang kanilang mga allowances. Mabilis namang tumugon ang mga senior citizens na natatanggap nila ang kanilang mga allowance taliwas sa paninirang ipinakakalat ng kalaban ng alkalde.


Matatandaang maliban sa updated senior allowance payouts, nilagdaan din kamakailan lamang ni Lacuna ang city ordinance na ginagawang doble na ang monthly allowance ng mga seniors, kung saan mula P500 ay magiging P1,000 na ito simula 2025.

“Hindi lahat ng nasa Facebook o YouTube ay totoo. Marami pong fake news ngayon,” ani Lacuna.


‘Yung wala daw akong ginagawa, fake na fake po ‘yan. Di lang ako mahilig mag-post ng mga ginagawa ko at walang kamerang laging nakasunod dahil tahimik akong nagta-trabaho at nagdadala ng serbisyo diretso sa tao,” dagdag pa ni Lacuna.

Linggo-linggo ay dinadala rin nina Lacuna at Servo ang mahahalaga at mga pangunahing serbisyo sa mga barangay sa pamamagitan ng “Kalinga sa Maynila” program.


Sa ilalim ng naturang programa, ang mga residente ay nabibigyan ng pagkakataong ipahayag ang kanilang mga hinaing, reklamo at katanungan na direktang tinutugon naman ng city officials sa pangunguna ni Mayor Honey mismo.

Bilang karagdagan, sa tuwing may ‘Kalinga,’ ang mga residente ng jmga naka-schedule na barangay ay nagkakaroon ng pagkakataong makakuha ng mga serbisyo na karaniwang dahilan kung bakit sila nagtutungo sa Manila City Hall.

Kailangan lamang anila ng mga ito na pumunta ng diretso sa stall na nagbibigay ng partikular na serbisyong kailangan nila. Ang lahat ng ito ay libre at walang bayad.



Sinabi pa ni Lacuna na ang mga stalls ay binabantayan ng mga kawani mula sa mga departments, bureaus o offices na nag-alok ng serbisyo tulad ng free checkups and medicines; bakuna sa mga alagang hayop. pagpapalit o pag-proseso ng mga IDs at purchase booklets para sa senior citizens, PWDs at solo parents, at pagkuha ng birth, marriage at death certificate.

Binanggit din ng lady mayor na ang public employment service office ay naroon din upang magbigay ng trabaho sa mga walang hanapbuhay.

Samantala, hinikayat ni Lacuna ang mga residente na makiisa sa barangay assembly.

Sa ilalim ng Local Government Code, ang mga barangay ay required na magsagawa ng barangay assembly kada semester upang malaman ng kanilang mga nasasakupan ang mga ginagawa ng kanilang barangay gayundin ang katayuan ng pondo at mga gastusin ng barangay.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read