PINANGUNAHAN mismo ni Manila Mayor Honey Lacuna ang observance ng Fire Prevention Month, kasabay ng panawagan sa mga residente na maingat na bantayan ang mga bata at mga matatandang naiiwan sa bahay habang may mga nakasinding kandila o stove, naka-plug na appliances at naka-charge na cellphone na maaaring pagsimulan ng sunog.
Sa regular na flag-raising ceremony nitong Lunes kung saan ang Manila Fire Department (MFD) sa pangunguna ng hepe nitong si Supt. Christine Doctor-Cula ang host, ipinahayag ni Lacuna ang kanyang pasasalamat at papuri sa MFD at sa kanilang mga katuwang sa pagtulong sa lungsod tuwing may insidente ng sunog.
Partikular na pinuri ng alkalde ang mga miyembro ng Manila Disaster Risk Reduction Management Office (MDRRMO) sa pamumuno ni director Arnel Angeles pati na ang iba’t-ibang grupo ng fire volunteers na katuwang ng MFD sa tuwing may insidente ng sunog sa lungsod.
Ayon kay Lacuna, ang MFD, MDRRMO at fire volunteers ay di lamang nagsisilbi kapag may sunog kundi maging sa tuwing may kalamidad rin o iba pang emegency situations tulad ng road accidents.
Samantala, nanawagan si Lacuna sa mga residente na turuan ang mga bata at matatanda kung paano mag-ingat sa paggamit ng appliances para di ito pagmulan ng sunog.
“Turuan po sana natin ang ating mga anak at ating senior citizens.. palagi po natin silang antabayanan kasi minsan ay nakakalimutan po nila o naiiwang bukas ang ibang kagamitan kaya mag-ingat tayo,” ayon sa alkalde.
Pinuna rin ni Lacuna na bago pa man ang Fire Prevention Month, marami nang sunog ang nagaganap sa lungsod at iba pang parte ng Metro Manila.
“Kaya naman ganoon na lamang ang aking pasasalamat sa Manila Fire Department sa lahat-lahat ng kanilang ginagawa. Kung minsan, dalawang magkasabay o kaya sunod-sunod na araw sabay-sabay, pero parang di sila napapagod. Kahit alam nila kung gaano kadelikado, sugod pa rin sila nang sugod. Ganyan nila pinahahalagahan ang buhay at ari-arian ng bawat isang Manilenyo,” ani Lacuna.
Sa kanyang pagpuri sa MFD, binigyang- pagkilala din ni Lacuna ang MDRRMO teams at fire volunteers na laging katuwang umano ng MFD sa kanilang firefighting at emergency response..
“Saludo po ako sa inyong lahat at ‘wag po sana kayong magsasawa na kami ay alagaan at proteksyunan lalo na sa mga sakuna,” pahayag ni Lacuna.














