Latest News

Ang mga pekeng account na ginagamit si Mayor Honey Lacuna.

FB NI MAYOR HONEY, PINEKE NA NAMAN

By: Jerry S. Tan

Muli na namang pineke ang Facebook account ni Manila Mayor Honey Lacuna.

Kaugnay nito ay nag-post ang alkalde sa kanyang opisyal na Facebook page na “Dra. Honey Lacuna”, kung saan ay nagbabala ito laban sa panibagong pekeng account na ginagamit na naman ang kanyang pangalan upang makapanloko ng ibang tao.


Aniya, “?May nagpapanggap na naman at ginagamit ang pagkakataong ito para manloko ng kapwa. Hindi po ako si Salvi Gatmaitan, ako po si Mayor Dra. Honey Lacuna- Pangan at ito lang po ang aking Facebook account. Mag-ingat po sa matinding sikat ng araw pati na rin sa mga mapagpanggap sa paligid. Labyu!”

Nagbigay rin si Lacuna ng ilang tips kung paano matukoy ang fake accounts at una na riyan ang pag-check sa Facebook URL, dahil ang official page umano ay may unique at verified URL para maberipika nila ang account type nito. Paliwanag pa ni Lacuna, ang official government accounts ay gumagamit ng Facebook Pages at hindi personal profiles.

Mahalaga rin aniya na i-check ang bilang ng followers ng isang account dahil ang mga official page ay may malaki o ‘significant following’, kumpara sa pekeng account.


“Be cautious of suspicious posts. Mayor Honey Lacuna’s official page never demands money, mobile load or any form of financial transaction…beware of impersonation and ensure you’re following the right sources for accurate information,” anang alkalde.

Ang pinakahuling fake account ni Lacuna ay nanghihingi ng phone numbers at nag-aalok ng libreng load bilang kapalit.


Matatandaan na noong Pebrero, 2024 ay isang pekeng FB account rin ni Lacuna ang biglang lumitaw online, kung saan ang kanyang official page ay pinalabas na personal account.

Samantala, pinasalamatan rin naman ni Lacuna ang mga taong nag-report sa kanya hinggil sa pekeng social media account.


Bago nito ay isa ring pekeng Facebook account gamit ang pangalan, litrato at maging posts ni Lacuna ang ginagamit sa social media upang palabasin na siya ang nagmamay-ari ng page.

Ganito rin ang nanguari noong August 2023, kung saan hiningi pa ng tagapagsalita ni Lacuna na si Atty. Princess Abante, ang tulong ng publiko sa pagre-report ng mga di awtorisadong social media account na ginagamit ang alkalde ng Maynila.

Ikinalungkot ni Abante na ang lehitimong Facebook page ni Lacuna ay pinepeke dahil ang paglikha umano nito ay para sa mga residente ng lungsod ng Maynila na kanyang pinaglilingkuran, upang doon sila makakuha ng tama at updated na mga impormasyon ukol sa mga nangyayari sa lungsod at sa pamahalaang-lokal.



Maliwanag umano na hindi tumitigil ang mga pagtatangka na iligaw ang mga Manilenyo.

Bukod sa kanyang official Facebook account na ‘Dra. Honey Lacuna,’ ang isa pa umanong lehitimong mapagkukunan ng impormasyon ukol sa lungsod ay ang ‘Manila Public Information Office or (MPIO) Facebook account, ani Abante.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like