UMABOT ng halos tatlong milyong katao ang dumalo at nakiisa sa mga aktibidad kaugnay ng pagdiriwang ng Chinese New Year sa Maynila, kung saan iniulat ng mga awtoridad na isang malaking tagumpay ang nasabing pagdiriwang na naidaos nang maayos at payapa.

Pinangunahan mismo nina Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at City Administrator Bernie Ang ang lungsod, kasama ang mga Chinese-Filipino communities, sa pagsalubong sa ‘Year of the Wood Snake’ hatinggabi ng January 28, gayundin ang pagdaraos ng ‘Solidarity Parade’ sa mismong araw ng Chinese New Year kinabukasan January 29, 2025. Sina Lacuna at Ang ay chair at vice chair ng Manila Chinatown Development Council (MCDC).
Ayon kay Ang, na siyang namuno sa dalawang araw na pagdiriwang, patuloy ang pagpapadala ng mga Chinese organizations at embassies ng mga congratulatory messages sa liderato ni Lacuna dahil sa matagumpay na pagdaraos ng anila ay ‘grandest celebration’ ng Chinese New Year sa bansa na ginanap sa Manila Chinatown, na siyang pinakamalaki at pinakamatandang Chinatown buong mundo.
Ayon kay Ang, ang 25-minutong musical fireworks and drone show na ginawa sa Chinese-Filipino Friendship Bridge katapat ng Jones Bridge na nagsilbing ‘ viewing deck’ at lugar kung saan ginawa ang programa bago ang Chinese New Year countdown, ay dinaluhan ng itinatayang halos Isang milyon sa tulay at maging sa paligid nito, kabilang na ang esplanade, riverside at mismong Chinatown area.

Dumalo din sa selebrasyon sina Congressman Joel Chua (3rd district, Manila) at city councilors; Manila-China Cultural Affairs Office (MCCAO) head Ati Co; MCDC executive director Willord Chua; mga miyembro ng Filipino-Chinese Youth Business Association sa pamumuno ng founding President nitong si Peter Zhuang na opisyal din ng MCCAO, Federation of Filipino Chinese Chambers of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) President Cecilio Pedro at Manila Chinatown Barangay Organization head at kandidato para konsehal na si Jefferson Lau, at iba
Naroon din sina Department of tourism, culture and the arts of Manila (DTCAM) chief Charlie Dungo pati na ang mga puno ng iba’t-ibang departmento, bureau at tanggapan sa Maynila, kasama rin ang mga bisita mula sa lalawigan na kinabibilangan nina Calapan Mayor Malou Morillo at Calapan secretary to the mayor Penny Belmonte.
Inihayag ni Ang na sa ‘Solidarity Parade’ na ginawa noong January 29, ang mga tao na halos milyon ang bilang ay matiyagang naghintay sa mga kalsada at maging iskinita ng Chinatown, na nagsimula sa Lawton area biolang starting point ng parada.
May 30 floats na kumakatawan sa city of Manila at iba’t-ibang Chinese-Filipino organizationsang sumama sa parada na inabot ng dalawang oras sa usad-pagong na takbo nito dahil na din sa pagdagsa ng mga pulutong ng tao upang kumuha ng litrato at kawayan si Lacuna o di kaya ay magpakuha ng selfie sa float na kanyang sinasakyan, kahit nasa itaas ang alkalde.

Ayon pa kay Ang, mismong ang China Ambassador to the Philippines na si Huang Xilian, na sakay ng lead float kasama ni Lacuna, ay halos di makapaniwala sa nasaksihang dami ng mga taong nag-aabang na itinatayang nasa dalawang milyon, ,kaya naman maging siya ay kumuha din ng mga larawan habang tinatahak ng kanilang float ang ruta ng parada na may dalawang kilometro.
Base sa ulat ng Lucky Chinatown Mall pa lamang, nakapagtala ng kalahating milyon na bilang sa kanilang foot traffic noong January 28 at ito ay lumobo pa noong hapon ng January.29 sa bilang na 600,000.
Ang mga sakay ng floats ay naghahagis ng mga kendi, ‘angpao’ na may token money sa loob at iba pang items na may kinalaman sa Chinese New Year celebration.
Samantala, pinuri at pinasalamatan ni Lacuna ang lahat ng tumulong upang maging maayos at payapa ang selebrasyon,kasabay ng pagpapahayag niya ng pagbati sa Chinese-Filipino communities sa lungsod at iba pang bahagi ng bansa.
Partikular na pinasalamatan niya ang Chinese-Filipino organizations na siyang bumalikat sa mga responsibilidad at paghahanda ng mga aktibidad para walang gastusin ang lungsod.
Ayon kay Ang, nagdagdag sa kahalagahan ng nasabing pagdidriwang ang 50 taon ng diplomatikong relasyon sa pagitan ng Pilipinas at China.