“Walang donate-donate!”
Ito ang mariing ipinahayag ni Manila Mayor Honey Lacuna sa kanyang ‘Ugnayan’ sa mga residente kamakailan lamang, kung saan agad niyang inaksyunan ang reklamo ng isang babae na hinihingian umano siya ng donasyon ng isang kawani ng isang health center matapos na magpunta siya dito para magpa-konsulta.
Pinasalamatan ni Lacuna ang nasabing babae sa pagsusumbong sa kanya at hinikayat din niya ang lahat ng mga residente na may reklamo na direktang ipaalam sa kanya o sa kanyang tanggapan sa City Hall.
“Donations are never required when going to any of the city’s health centers. Hindi natin ‘yan papayagan. Bawal ‘yan. I-report ninyo sa amin. Bawal. Hindi ako papayag,” ani Lacuna.
“Malinaw ang ating tungkulin. Hindi ko po kinukunsinti para lang alam ninyo. Hindi naman po sa lahat ng pagkakataon ay mababantayan natin sila, pero dahil po nagsabi kayo sakin, meron po tayong pruweba para sabihin ko sa kanila kung ano ang problema at kung kinakailangang palitan ang mga tao doon, gagawin natin,” dagdag pa nito.
Ayon sa alkalde, ang 44 health centers na nakakalat sa anim na distrito ng Maynila ay naririyan upang magbigay ng libreng pangunahing health care services, kaya naman maging silang dalawa ni Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan ay patuloy na hinihimok ang lahat ng mga barangay authorities na hikayatin ang kanilang mga nasasakupan na i-avail ang mga nasabing libreng serbisyo.
Ang nasabing mga serbisyo ay kinabibilangan ng clinical laboratories, ECG at ultrasound para sa mga buntis. Ito ay maliban pa sa libreng konsultasyon at mga gamot na ibinibigay ng libre tulad ng metformin, losartan at iba pa. May mga bago ring libreng serbisyo gaya ng x-rays, ulltrasound at ECG.
Sinabi pa ni Lacuna na hindi na kailangan pa ang online appointment para magpa-konsulta dahil bukas ang health centers mula 7 a.m. hanggang 6 p.m. mula Lunes hanggang Biyernes.
Habang pinapayagan ang mga mga walk-in, ang mga nagparehistro naman sa online ay inaasikaso pa rin naman.
Napag-alaman na ang dahilan ng online appointment ay para magkaroon ng ‘advance file’ ng mga datos ng isang residente para magamit sa hinaharap at para sa mas mabilis ng proseso.
Binigyang-diin ni Lacuna, na isang doktora, ang kahalagahan ng pagbisita sa mga health centers at paga-avail ng mga libreng check-up nang hindi na hinihintay pa na lumitaw ang anumang sakit o karamdaman.
“Prevention is always better than cure. Tangkilikin ninyo ang ating mga health centers. ‘Wag na po kayong makipagsiksikan sa ospital, kung matutugunan ng health center ang inyong problema. Sila na po ang magssabi kung kailangang sa ospital kayo magpunta,” ani Lacuna.
Sakali mang kailangan nang sa ospital ang isang residente ay mismong ang health center ang magre-refer sa pasyente sa pinakamalapit na hospital ng lungsod.














