Latest News

(mula kanan) Sina OSCA chief Elinor Jacinto kasama sina Vice Mayor Yu Servo at Mayor Honey Lacuna habang isinasagawa na ang mga consultative meetings para sa masterlist ng mga senior citizens sa mga barangay. (JERRY S. TAN)

DOBLADONG SENIOR ALLOWANCE PARA ABRIL HANGGANG HUNYO, INAAYOS NA — MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

Kasalukuyan nang nagsasagawa ng ‘consultative meetings’ ang pamahalaang-lungsod ng Maynila bilang paghahanda para sa maayos na ‘payout’ o pamamahagi ng dobladong monthly allowance ng senior citizens para sa mga buwan ng April, May at June 2025.

Ayon kay Mayor Honey Lacuna, ang Office for Senior Citizens Affairs (OSCA) sa pamumuno ng hepe nitong si Elinor Jacinto ang siyang nangangasiwa ng nasabing consultative meetings sa lahat ng 896 barangays sa anim na distrito ng Maynila.

Layon umano ng mga pagpupulong na tiyaking ang mga masterlist at payroll ng mga barangay ay maayos gaya ng nakaraang payout na ginawa ng lungsod. Ang masterlist ang siyang basehan ng mga payroll at halaga na kailangang ilaan ng lungsod para sa mga senior citizens ng bawat barangay kada distrito.


Pinapurihan ni Lacuna at pinasalamatan ang lahat ng punong barangay, barangay secretaries at lahat ng barangay officials na awtorisado at siyang responsable sa paghahanda ng mga updated senior masterlist sa kanilang nasasakupan.

Aniya, lubhang mahalaga ang kanilang papel para sa lungsod at sa mga senior citizens na nasa mahigit 200,000 ang kabuuang bilang sa kasalukuyan.


Ayon kay OSCA chief Jacinto, mula sa P500 ay dinoble ni Lacuna ang senior citizens’ allowance at ginawang P1,000 kada buwan, sa pamamagitan ng ordinansa na kanyang nilagdaan noong Oktubre ng nakaraang taon. Dahil diyan ay nagsimula nang tumanggap ng dobladong quarterly allowance ang mga senior citizens na nagkakahalaga ng P3,000 para sa mga buwan ng January hanggang March ng kasalukuyang taon, sa halip na P1,500 lamang.

Ani Jacinto, pinakinggan ni Lacuna ang kahilingan ng mga senior citizens kung kaya’t ang kanilang allowance ay ibinibigay na ngayon sa kanila sa pamamagitan ng ‘cash payout’ upang maging mas madali para sa kanila, dahil sa nahirapan umano silang kunin ang kanilang mga allowance nuong nakaraang administrasyon dahil sa lumang sistema ay sa Paymaya pa ito idinaan.


Inihayag din nito na ipinakita lamang ni Lacuna ang kanyang buong pagtitiwala at kumpiyansa sa 896 na Punong Barangay ng Maynila na kaya nilang gawin nang maayos ang pamamahagi ng mga allowance sa senior citizens sa pamamaraan na magiging pinakamadali at mabilis para sa mga lolo at lola ng lungsod.

Inaasahan din umano ni Lacuna na hindi madadamay sa pulitika ang mga allowance ng senior citizens at aniya: “Pahalagahan po sana natin ang tiwalang ibinigay ng ating alkalde. Lahat po tayo ay tatanda.”

Binigyang-diin ni Lacuna na sadyang hinihintay ng mga senior citizens ang kanilang buwanang allowance na maliit na tulong ng pamahalaang-lokal para sa kanilang mga personal na gastusin, lalong lalo para sa kanilang maintenance medicines.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read