SINABI ni Aksyon Demokratiko presidential bet at Manila Mayor Isko Moreno na hindi niya istilo na hingin sa kanyang mga endorsers at mga lider na i-commit ang mga boto ng kanilang nasasakupan.
Ayon pa kay Moreno, habang labis niya ikinatutuwa ang mga endorsements at suporta mula sa parehong mga lider ng national at local, ay maituturing naman niya na isang insulto sa mga botante ang sinuman na ipangako ang kanilang boto sa isang partikular na kandidato.
“I want a good sum of numbers, ‘yung boto ng tao, pero ‘yung ipapangako ng isang tao ‘yung kanyang mamamayan na daan-daang libo o milyong boto, I don’t ask leaders or endorsers to promise.. it’s a great insult to voters,” sabi ni Moreno.
Idinagdag pa niya na: “Ang gusto ko, suyuin ang mga tao, kausapin sila, dumiretso sa kanila tapos added bonus na lang kung may endorsement. It would be a very good bonus.”
Binigyang diin ni Moreno na karapatan ng lahat ng mga botante na pumili ng kanyang ibobotong lider na manunungkulan bilang pangulo ng bansa sa loob ng anim na taon.
“Di natin pwede ipangako na ako ang bahala, bibigyan kita ng boto kasi pinangungunahan mo na ang tao nun. Sinasaklawan mo ang karapatan nilang makapamili ng lider ayon sa pagkakaunawa nila,” giit pa ni Moreno.
Sa puntong ito ay sinabi ng alkalde na siya at ang kanyang buong tiket ay ginagawa ang lahat upang direktang lumapit sa tao upang hingin ang kanilang suporta at iprisinta ang ten-point agenda ng partido na sumisentro sa buhay, kabuhayan, at kaligtasan ng lahat ng mga Pinoy sa pandemya.
Sinabi pa ni Moreno na ginagalang niya ang kagustuhan ng lahat ng Pinoy at naniniwala siya na matatalino ang mga ito upang malaman kung sino sa mga kandidato ang makakagawa ng kabutihan sa bansa sa pamamagitan ng pagtingin sa background at service record ng mga ito.
Bilang panghuli, sinabi ni Moreno na nakapako ang kanyang paniniwala sa karunungan ng mga botante na bibigyang pansin ng mga ito ang maraming pryekto at programang nagawa niya sa Maynila tulad ng mass housing, social amelioration program at pagtugon sa pandemya kabilang na ang mga probisyon sa pagkakaroon ng mga libreng gadgets sa public school students at teaching personnel para sa kanilang online learning, food security program at pamamahagi ng mga free anti-COVID medicines ubod ng mahal at mahirap makita. (ANDOY RAPSING)