Latest News

Pinag-uusapan nina (mula kaliwa) Mayor Isko Moreno, Manila Health Department chief Dr. Poks Pangan, Justice Abad Santos General Hospital chief Dr. Merle Sacdalan, Congressman Yul Servo at Vice Mayor Honey Lacuna ang mga hakbanging plano sakaling tumama ang 'Deltacron' sa Maynila.

‘Deltracron’, pinaghahandaan sa Maynila

NGAYON pa lamang ay naghahanda na ang Manila City government laban sa posibleng banta ng ‘Deltracron’ na napaulat na kumbinasyon ng COVID-19 variants na Delta at Omicron at natuklasan umano sa ilang pasyente sa Estados Unidos at Europa.

Ayon kay Aksiyon Demokratiko presidential bet at Mayor Isko Moreno, naghahanda na sila ng mga pamamaraan upang maprotektahan ang mga Manilenyo laban sa ‘Deltacron.’

Sinabi ni Moreno na siya at si Vice Mayor Honey Lacuna, na isang doktor at in charge sa health cluster ng lungsod, ay palaging nag-uusap upang talakayin ang mga pamamaraan upang mabawasan ang posibleng epekto sakaling magkaroon muli ng bagong variant ng virus at maging dahilan na naman ng bagong surge ng sakit.

Muli ring pinaalalahanan ng alkalde ang mga mamamayan na patuloy na maging maingat laban sa COVID-19 upang maprotektahan ang kanilang sarili at kanilang mga mahal sa buhay.

“Hindi po porke bumababa ang kaso ay magre-relax tayo. Hindi natin alam kung ano ang maaring mangyari although nananalangin tayong huwag naman sana magka-surge,” pahayag pa ni Moreno nitong Sabado.

Sa kanyang weekly capital report naman, iniulat ni Lacuna na sa ngayon, ang mga quarantine facilities sa lungsod ay may zero occupancy na.

Gayunman, nagkasundo aniya sila ni Moreno na panatilihing available ang mga ito bilang paghahanda sa posibleng panibagong surge ng virus, lalo na at ang National Capital Region (NCR) ay nasa ilalim ng pinakamaluwag na Alert Level 1 sa COVID-19.

“Sabi nga ni Yorme, daig ng maagap ang masipag kaya lagi tayong handa sa Maynila,” ayon pa kay Lacuna.

Ani Lacuna, iniulat rin ni Dr. Arlene Dominguez na ang pinamumunuan niyang Manila COVID-19 Field Hospital, na matatagpuan sa Quirino Grandstand ay mayroon na lamang ring occupancy rate na 22% sa ngayon.

Sa 344 beds aniya na available sa naturang pagamutan, nasa 76 lamang ang okupado hanggang noong Marso 1.

Pinuri rin naman ni Lacuna ang lahat ng vaccinators sa lungsod, sa pangunguna ni Manila Health Department Dr. Poks Pangan, dahil sa patuloy at walang humpay na pagtupad sa kanilang tungkulin at pagseserbisyo sa mga mamamayan maging weekend man o holidays. (Philip Reyes)

Tags:

You May Also Like

Most Read