Latest News

Sina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo habang pinangungunahan ang "Gawad Pagkilala sa mga Kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila," na nagbigay parangal sa mga loyalty service awardees. (JERRY S. TAN)

DEKADANG NAGLINGKOD SA MAYNILA, GINAWARAN NG PAGKILALA

By: Jerry S. Tan

“MAGSILBI nawa kayong inspirasyon sa mga bago at mga nakababata nating mga kasama sa ating Pamahalaang Lungsod.”

Ito ang naging panawagan ni Mayor Honey Lacuna nang kanyang pangunahan ang pagbibigay ng ‘award’ sa mga empleyado na nagpakita ng katapatan sa dekada ng paglilingkod sa pamahalaang-lungsod ng Maynila.

Taos-puso ring pinasalamatan ng alkalde ang mga nasabing empleyado sa paggugol ng maraming taon ng dedikasyon sa paglilingkod sa lungsod ng Maynila pati na sa mga residente nito.


Ani Lacuna, ang kontribusyon ng mga kawani ng City Hall ay siyang nagdala sa lungsod sa kinatatayuan nito ngayon.

Kasama ni Lacuna sa pangunguna sa “Gawad Pagkilala sa mga Kawani ng Pamahalaang Lungsod ng Maynila” na ginanap sa Metropolitan Theater si Vice Mayor Yul Servo, kung saan binigyan ng pagkilala ang mga empleyado sa loob ng 25 years, 30 years, 35 years, 40 years at mahigit 40 years in service awardees.


Ang mga awardees ay mga kawani mula sa iba’t-ibang departamento, ahensya at tanggapan.

“Sabi nga, marami ang naghahangad na mapabilang sa mga tinatawag na civil servants, ngunit iilan lamang ang nabibigyan ng pagkakataon. Ilang beses na nating napag-alaman na napakatibay maging isang empleyado ng gobyerno dahil sa tinatawag na “security of tenure”,” pahayag ni Lacuna.


Idinagdag pa ng alkalde na noong panahon ng pandemya, tanging ang mga taong gobyerno lamang ang patuloy na mayroong trabaho at kumikita habang marami sa pribadong sektor ang nawalan ng kabuhayan at trabaho.

“Ito sana ang mapahalagahan nating lahat at mapagsikapan pa nating pagbutihin ang ating mga gawain sa pamahalaan,” ayon sa alkalde.

“Tulad nga ng palagi kong ipinapaalala, walang ibang pinaka-higit na sinasandalan ang taumbayan sa mga panahon ng kagipitan, kapighatian at kahirapan kundi ang kanilang pamahalaan. Kaya’t marapat lamang na tayo ay palaging handang maging maayos at mabuti sa paglilingkod sa publiko,” saad pa ni Lacuna.

“Hindi lang ito, pahabaan ng panahon sa serbisyo. Mas maganda sana, mapagnilayan natin kung gaano tayo nag-alay ng ating mga sariling sipag at pagpupunyagi, nagbahagi ng ating kasanayan, talino at galing. At higit sa lahat, kung gaano tayo nagpadama ng malasakit sa ating kapwa,” ayon pa sa alkalde.

Aniya, ang trabaho sa pamahalaan ay hindi pahabaan ng serbisyo bilang civil servants at ito ay upang lumikha ng daan para sa mas magandang daigdig at sa pag-asa sa isang maliwanag na kinabukasan ‘di lamang para sa lungsod kundi para sa buong bansa.

“Sa lahat ng ating mga awardees… congratulations! Hindi biro ang napakaraming taon na pinagsikapan ninyong paglingkuran ang ating mga kapwa Manilenyo,” ayon pa kay Lacuna.

Para naman sa mga nakatakdang mag-retiro, sinabi ni Lacuna na: “hangad natin ang inyong masayang retirement. Sabi nga nila, goodbye tension, hello pension.”

Tags: Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo

You May Also Like

Most Read