IPINAARAL ni Mayor Honey Lacuna kung paano mabibigyan ng de kalidad, malusog at masaya na mahabang buhay ang mga residente ng Maynila, lalo na ang ang mga senior citizens nito.
Sa kanyang ikatlong State of the City Address (SOCA), sinabi ni Lacuna na isinasagawa na ang pag-aaral habang tuloy naman ang pag-aaruga sa kalusugan ng mga senior citizens ng Maynila, sa pamamagitan ng pagbibigay sa mga ito ng ‘world-class medical services.’
“Pinag-aaralan natin ang mga dapat nating gawin upang mapahaba ang ‘life expectancy’ ng ating taumbayan. Hindi lang mapahaba ang buhay ng Manileño, bagkus, mapahaba nang mayroong de-kalidad ang buhay ng ating mga senior citizens, na masaya at walang sakit,” ani Lacuna.
“Sa mga polisiya patungkol sa pagkain, ehersisyo, linis ng hangin at kapaligiran at iba pa, ‘yan po ang tunay na layunin ng planong pangkalusugan ng ‘Magnificent Manila.’ Sa kabila ng pangangailangan nating maghigpit ng sinturon, tinuloy, tinapos ang mga nasimulan, at naglunsad pa tayo ng mga programang higit na kinakailangan ng mas nakararaming Manilenyo,” dagdag pa nito.
Bilang isang doktora ay palagiang inuuna ni Lacuna ang pangkalahatang mabuting kalusugan ng mga taga-Maynlila habang pinalalakas niya ang health cluster ng lungsod, bagay na kanyang sinimulan nang siya ay bise-alkalde pa lamang ng lungsod.
Ang health cluster na sinimulang patakbuhin ni Lacuna noong pandemya o bago pa siya maging alkalde ay kinabibilangan ng Manila Health Department at anim na pagamutang pinatatakbo ng lokal na pamalaan at nagbibigay ng libreng serbisyong pangkalusugan sa lahat ng residente ng Maynila.
Iniulat din ng alkalde na ang mga city-run Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc at Sta. Ana Hospital, kabilang na ang Manila Health Department ay pawang mga ISO-certified na.
“Ang ISO certification ay isang katiyakan ng mataas na kalidad ng ating serbisyong pangkalusugan at maayos na sistema ng ating mga ospital. Patunay ito na maging sa kalusugan, nagiging ganap na ang pagiging ‘World Class’ ng ating lungsod,” paliwanag ni Lacuna.
Bilang suporta dito ay sinabi ni Lacuna na ang mahigit na 40 health centers ng lungsod ay may kakayahan na din ngayong magsagawa ng laboratory tests para sa blood, cholesterol, urinalysis at iba pa.
Aniya, ang bawat isang health center ay mayroong sariling ECG at ultrasound services para sa mga buntis, nang sa gayon ay hindi na sila magpunta pa sa ospital, private laboratories at clinics.
“Mayroon na rin tayong portable dental x-ray, mobile laboratory and x-ray van na umiikot sa buong Maynila. At ang lahat ng mga ito, ay libre. Sinigurado natin na maibigay din ang mga maintenance medicines tulad ng lozartan, metformin, amlodipine at iba pa, sa mga kababayan nating nangangailangan nito,” ani Lacuna.
Inilunsad rin aniya ng lungsod ang “Walang Batang Manileñong Bungi sa 2030,” kung saan ang mga Kindergarten at Grade 1 pupils ay binibigyan ng fluoride at sealant upang mananatiling malusog ang kanilang mga ngipin.
“Para naman sa ating mga pampublikong High School na mag-aaral, ay mayroon tayong “Alis Sungki Balik Ngiti Program,” saad ni Lacuna, kasabay ng pahayag na mayroon nang mahigit na 100 high school students ang nabigyan na ng libreng dental braces at pustiso.
Ang “Responsable Ako: Huwag Maging Biba [Batang Ina, Batang Ama]” adolescent health program ay dinala rin sa iba’t-ibang high schools sa Maynila upang matugunan ang tumataas na bilang ng ‘teenage pregnancies’.
Kaugnay niyan ay inilunsad din ang “Ang Bata, Bata, Planado kang Ginawa Safe Motherhood Program” kung saan ang 36,000 bilang ng family planning acceptors ay tumaas na sa 157,872 sa loob ng mahigit isang taon lamang, upang masolusyunan ang tumataas na bilang ng populasyon sa lungsod.#