ITINUTULAK ng dalawang Congressmen sa Maynila ang pormal at tuluyang pagpapatigil sa lahat ng uri ng sugal sa pamamagitan ng online at text messages na anila ay naghihikayat sa publiko, partikular na sa mahihirap at kabataan, na magsugal.
Sa kanilang pagharap sa ‘MACHRA Balitaan’ forum ng Manila City Hall Reporters’ Association (MACHRA) na ginanap sa Harbor View, kapwa binigyang-diin nina Congressman Ernix Dionisio (1st district) at Irwin Tieng (5th district) na itutulak nila ang pormal na pagbabawal sa lahat ng uri ng onlinena sugal at maging ang Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) sa pamamagitan ng pagpasa ng batas ukol dito.
Ayon kay Dionisio dapat na ang sugal ay limitahan lamang sa casino para sa. mga nasa wastong gulang na may pera at hindi sa online kung saan ang mga kabataan .partikular na ang estudyante, ay nagkakaroon ng ‘access’ at gayundin ang mga mahihirap na hinihikayat na magsugal.
“Gambling should be limited only to those who go to the casinos. Dapat ang sugal hindi accessible lalo na sa mga bata na ipinupusta pati mga baon nila,” ani Dionisio, sabay banggit sa kaso ng isang pulis na nalulong sa.online.sugal kaya nangholdap ng gasolinahan.
Ayon naman kay Tieng, sumulat na siya sa isang major telecommunications company upang humihingi ng paliwanag kung bakit sila nagpapadala ng messages sa kanilang mga subscriber na humihikayat na magsugal ang mga ito.
Nais umanong alamin ni Tieng mula sa telecoms company kung ang text messages ay ipinadadala sa lahat ng subscriber kahit pa ang mga ito ay menor de edad lamang at kung saan sa isang click lamang ng ipinadadalang link ay maari nang makapagsugal ang may hawak ng cellphone.
Samantala, sinabi rin ng dalawang Congressmen na dapat isapormal ang pa-ban sa POGO sa pamamagitan ng pagpasa ng batas na magpapatupad nito.
“Dumarami ang corrupt, kokonti ang yumayaman, selective ang nagbe-benefit tapos magtatapon ng konting barya sa komunidad,” ani Dionisio.
Ipinunto naman ni Tieng ang ‘unruly behavior’ diumano ng mga nasa likod ng POGO operations at ang mga krimen na kinasasangkutan ng mga ito bilang resulta ng kanilang operasyon ay hindi sapat na dahilan upang payagan ang pananatili sa bansa.
Aniya, grabe ang mga krimen na ginagawa ng mga sangkot sa POGO operations na mismong mga awtoridad na humuhuli sa kanila ang siyang nagbubunyag.
Kaugnay nito ay sinuportahan ni Dionisio ang posisyon ni Senate President Chiz Escudero na dapat.gawin ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang kanilang trabaho bilang regulatory body at iwasan na maging bahagi ng gambling operations.














