“TUNAY na gawa ang alay namin sa mga Manileño at hindi lang basta laway na hindi naman naisasanla.”
Ito ang binigyang-diin ni Asenso Manileño Party President Honey Lacuna, nang samahan niya sina incumbent Congressmen Joel Chua (3rd district) at Benny Abante (6th district) sa paghahain ng mga ito ng kanilang certificates of candidacy (COCs) sa Comelec bilang mga reelectionists o para sa isa pang termino.

Pinasalamatan ni Chua ang alkalde sa kanyang personal na suporta, kabilang na din ang mga kandidato sa third district bilang mga Councilor na sumama din sa kanya na kinabibilangan nina Pamela ‘Fa’ Fugoso, Maile Atienza, Atty. Jong Isip at first-time candidates for Councilor Jeff Lau at Karen Alibarbar. Si Lau ay presidente ng Manila Chinatown Barangay Organization (MCBO) habang si Alibarbar ay hahalili sa kanyang asawa na si Terrence, na isang incumbent subalit natapos na ang termino.
Buong-pagmamalaking inihayag ni Chua na ang pagtakbo niya sa ilalim ng Asenso Manileño party lalo na at kasama si Lacuna bilang mayoral candidate nila, dahil ito lamang umano ang disenteng kandidato para sa nasabing posisyon at para magpatakbo ng pamahalaang-lungsod ng Maynila.
“Kapag tinimbang ang aming hanay kumpara sa tiket ng iba, liyamado sa husay at malasakit ang Asenso Manileño mula Punong Lungsod hanggang sa mga pambato sa Konseho,” pahayag ni Chua, na chairman ng House Committee on Good Government na siyang nagi-imbestiga sa mga katiwalian sa gobyerno.
Si Abante, na siya namang chairman ng House Committee on Human Rights, sa isang banda, ay nagsabi na ang kanilang tiket ay may kredibilidad.
“At the top of our ticket is the compassionate and competent tandem of Mayor Honey Lacuna and Vice Mayor Yul Servo. We have five incumbent congressmen who are chairpersons of House committees and a former lawmaker who used to chair the Committee on Metro Manila Development. Our city councilors are competent local leaders who have served the capital city well and our entire slate is of high quality and proven track record, not mere media appeal,” buong pagmamalaking pahayag pa ni Abante, na mahalagang bahagi ng congressional Quad Committee na tumatalakay sa mga usaping tulad ng POGOs at extra-judicial killings.
Ang iba pang kasalukuyang Congressmen na tumatakbo kasama ng Lacuna-Servo tandem ay sina Congressman Rolan Valeriano (2nd district) at Congressman Irwin Tieng (5th district).
Si Rep. Edward Maceda, na nakaupo rin sa kasalukuyan, ay papalitan ng kanyang maybahay na si Dr. Giselle Maceda samantalang ang pambato ng partido para sa unang distrito ay ang nagbabalik na Congressman Manny Lopez, anak ni dating Mayor Mel Lopez.
Sa kanyang bahagi, sinabi naman ni Lacuna na, “Sa mga darating na linggo, lalong mapagtatanto ng bawat botanteng Manileño na mas de kalidad, mas may integridad at mas maaasahan ang Asenso Manileño kumpara sa ibang hanay ng mga kumakandidato. Patuloy naming patutunayan na kami ang maasahang karamay ng mga Manileño sa hirap man o ginahawa.”














