Direktang makikinabang sa bagong nilagdaang batas ni Pangulong Ferdinand Marcos, Jr. ang mga senior citizen dahil makatatanggap sila ng cash gift na P10,000 tuwing tutuntong sa edad na 80, 85, 90, at 95, paliwanag ni Congressman Joel Chua ng ikatlong Distrito ng Maynila, ukol sa Republic Act 11982.
“Nasa humigit-kumulang 180,000 ang bilang ng lahat na seniors na kinakalinga ng pamahalaang-lungsod ng Maynila, sa pamumuno ni Mayor Honey Lacuna. Ina-update ng Manila office of Senior Citizen Affairs ang mga datos nito at kasama na diyan dapat ang layunin na matukoy ang mga Manileñong nakatakdang makatanggap ng P10,000 cash gift batay sa bagong batas,” dagdag ni Chua.
Idamay na rin sana sa pag-update ng OSCA database, ani Chua, “ang pagtitiyak na magtutugma ang datos ng Maynila sa mga datos ng Philippine Statistics Authority, the National Commission of Senior Citizens, at iba pang pambansang ahensya.”
Makikinabang din aniya ang mga taga-Manila sa Tatak Pinoy (Proudly Filipino) Act o ang Republic Act 11981, paliwanag ni Chua na kasapi ng Committee on Economic Affairs sa Kamara.
“Dati nang sentro ng kalakalan at negosyo ang Maynila mula pa noong bago pa man dumating ang mga mananakop na Espanyol. Kapag naipatupad nang maayos ng Tatak Pinoy Act, inaasahang mas lalakas pa ang mga produkto at serbisyong Pinoy, lalo iyong mga itinatapat sa gawa ng ibang bansa, tulad ng electronics, highly skilled professionals at specialists, artista, manunulat, at mga produktong sakahan at pangingisda,” saad ni Chua.
Si Chua ay Representative ng Third District ng Manila (Northern Manila Districts ng Binondo, Quiapo, San Nicolas at Santa Cruz), abogado; Urban Poor and Sports Advocate; Vice-Chairman ng House Committee on Cooperatives; member ng House Committee on Labor and Employment at member ng House Committee on Economic Affairs.