Ipinahinto ni Mayor Honey Lacuna ang pagpapatupad ng ordinansa ng clamping sa mga motorsiklo sa lungsod ng Maynila kasabay ng babala sa publiko na huwag maniwala sa ipinakakalat ng pekeng voice recordiing na ginagaya ang kanyang boses.
Ang kautusan ay ginawa ni Lacuna matapos na makatanggap ng mga reklamo at concerns ukol sa implementasyon ng ordinansa.
Ayon kay Lacuna, ang clamping ng mga motorsiklo sa lungsod ay nilalaman sa Manila City Ordinance No. 8998, na alinsunod naman sa napagkasunduan ng mga alkalde sa iba’t- ibang lungsod ng Metro Manila at ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA), sa layong tiyakin na magiging maayos ang trapiko sa mga National Roads at Mabuhay Lanes.
Kaugnay niyan ay inatasan din ni Lacuna si Manila Traffic Parking Bureau (MTPB) chief Dennis Viaje upang imbestigahan ang mga nasabing reklamo at concerns na ipunaabot sa kanilang tanggapan.
Inatasan din niya ang mga opisyal ng barangay na paalalahanan ang kanilang mga nasasakupang residente na mag-park nang maayos at sa tamang lugar lamangk upang hindi maging ‘obstructions’.
Samantala, binigyang-diin ni Lacuna na lahat ng mga pormal na anunsyo tungkol sa mga kaganapan o bagong polisiya sa lungsod ay maari lamang makita sa ‘Manila Public Information Office Facebook Page’ o sa kanya mismong official Facebook Page na ‘Dra. Honey Lacuna.’
Ang pahayag ng alkalde ay matapos na kumalat ang isang 48-second na pekeng audio recording kung saan iniaanunsiyo ang implementasyon ng ordinansa ng pagka-clamp sa mga motorsiklong nakaparada sa bawal na lugar. Sa nasabing recording ay ginaya ang paraan ng pagsasalita at boses ni Lacuna.














