Inaanyayahan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang publiko na lumahok sa mga aktibidad na nakalinya at uumpisahan na sa Enero 24, Biyernes, para sa pagdiriwang ng Chinese New Year sa Enero 29, 2025.
Ayon kay Lacuna, ang mga nasabinf aktibidad ay sisimulan sa gaganaping Prosperity Tree Lighting sa Plaza San Lorenzo.
Inanyayahan rin ni Lacuna ang publiko na makiisa sa mga festivities, partikular na sa Binondo, kung saan matatagpuan ang pinakamatandang Chinatown sa buong mundo.
Inihayag naman ni City Administrator Bernie Ang, deputy chair ng Manila Chinatown Development Council (MCDC) kung saan si Willord Chua naman ang siyang executive director, na ang lighting ng Prosperity Tree, o Money Tree, ay idaraos dakong 5 p.m.
Inaasahang ito ay dadaluhan ng mga city officials at kinatawan ng iba’t-ibang Chinese-Filipino organizations.
Napaga-alaman kay Ang na ang mga aktibidad na nakalinya para sa Chinese New Year ay isasagawa sa koordinasyon at suporta ng Federation of Filipino Chinese Chamber of Commerce and Industry, Inc. (FFCCCII) at ng Manila Chinatown Barangay Organization (MCBO) na pinamumunuan ni chairman Jeff Lau, na tumatakbo bilang third district Councilor sa ilalim ng slate nina Lacuna at Vice Mayor Yul Servo.
Samantala, sinabi ni Chua na ang Chinese New Year countdown ay isasagawa naman sa Enero 28, ganap na 11:00 p.m. sa Jones Bridge, gaya ng mga nakalipas na taon.
Ani Chua, ang Grand Parade naman na iikot sa Chinatown area sa Binondo, ay isasagawa sa mismong Chinese New Year sa Enero 29, ganap na alas-2 ng hapon at magsisimula sa old Post Office site.