SA layuning higit pang ilapit ang Manila City Hall sa mga residente ng Maynila, dadalhin na mismo sa mga barangay ang ‘Capital Report’ ni Mayor Honey Lacuna simula Biyernes, Marso 22, 2024.
Ayon sa alkalde, ito ay gagawin sa kauna-unahang pagkakataon upang maipadama ng pamahalaang-lungsod sa mga taga-lungsod na abot-kamay lamang nila ang kanyang administrasyon.
Ang ‘Capital Report’ ay regular na programa ni Lacuna kung saan ay ipinapaalam niya sa mga residente ang mga kaganapan sa loob at labas ng Manila City Hall. Sa pamamagitan nito ay naipapaalam din ni Lacuna sa mga mamamayan ng Maynila ang mga programa at iba pang impormasyon na kailangan nilang malaman, gayundin ang mga accomplishments o ginawa ng pamahalaang-lungsod sa nakalipas na mga araw.
Ito ay ineere nang live sa social media sa pamamagitan ng kanyang makeshift studio sa loob ng Manila City Hall, kaya’t naisipan nito na dalhin naman sa mismong mga barangay ang kanyang ginagawang regular na pag-uulat sa taumbayan.
Sa gitna nito ay magtutuloy-tuloy lamang ang “Kalinga sa Maynila” na sa mga barangay din mismo isinasagawa.
Ang ‘Kalinga’ ay isa namanng regular forum kung saan si Lacuna mismo ang nakikinig at sumasagot sa mga reklamo, katanungan at suhestiyon mula sa mga residente, sa isang ‘no-holds barred meeting’ kung saan dinadala niya rin ang mga hepe ng iba’t-ibang tanggapan sa City Hall na madalas pinupuntahan ng mga tao upang hingan ng tulong.
Ito ay isang paraan din upang dalhin mismo sa komunidad ang mga pangunahing serbisyo ng lungsod nang hindi na sila gumugol ng pera at panahon sa pagtungo sa City Hall.
Ayon kay Lacuna, habang ang “Kalinga” ay ginagawa mula District 1 hanggang District 6, ang ‘Capital Report,’ naman ay gagawin mula District 6 patungo sa District 1.
Nais umano ni Lacuna na higit pang mailapit ang City Hall sa mga mamamayan ng Maynila sa pamamagitan ng pag-engganyo sa kanila na makilahok sa mga kaganapan ng lungsod at upang maipada din sa kanila na nariyan lamang sa kanilang tabi ang pamahalaang-lungsod upang sila ay mabigyan ng tamang serbisyo.