PINARANGALAN ni Mayor Honey Lacuna ang mga ‘Outstanding Manilans’ na nagpakita ng kagalingan at nakapagbigay ng mahalagang ambag sa lungsod ng Maynila sa pamamagitan ng kanilang mga tinahak na larangan sa buhay bilang tampok na bahagi ng pagdiriwang ng ika-453 anibersaryo ng lungsod.

Ang pagkilala ay iginawad ni Lacuna sa pamamagitan ng awarding ceremony na tinaguriang, ‘Gawad Manileño 2024’ at ginanap sa Metropolitan Theater noong June 17, 2024, kung saan dumalo ang mga opisyal ng lungsod, mga Konsehal at mga miyembro ng Kongreso at iba pa.
Iginawad sa business tycoon na si Ramon S. Ang, pangulo at CEO ng San Miguel Corporation, na kilala rin bilang si ‘RSA,’ ang ‘Gawad Gat Andres Bonifacio,’ na siyang pinakamataas na pagkilalang ibinibigay kada taon sa isang indibidwal bilang bahagi ng pagdiriwang ng ‘Araw ng Maynila’ para sa anibersaryo ng pagkakatatag ng lungsod sa darating na June 24.
Sinamahan si Lacuna sa entablado ni Vice Mayor Yul Servo at ng kanyang Chief of Staff na si Joshue Santiago sa paggawad ng natatanging parangal kay Ang, na kanyang pinapurihan dahil sa kanyang malaking ambag sa pag-unlad hindi lamang ng Maynila kundi ng buong bansa.
“Ipinagkakaloob natin ang Gawad Gat Andres Bonifacio na siyang pinaka-mataas na parangal para sa isang Manilenyo na higit na nakapag-ambag ng sarili, di lamang para sa Maynila kundi para sa buong bansa,” pahayag ni Lacuna ukol kay Ang.
…”ang Gawad Manilenyo… nagtatampok sa mga mabuting huwaran nating mga Manilenyo. Sana ay masundan at matularan natin ang kanilang mga pagsisikap, pagpupunyagi, at tagumpay para sa sarili, sa pamilya, sa pamayanan at sa bayan.” dagdag pa ni Lacuna.
Sina Lacuna at Servo ay halinhinang sinamahan sa entablado nina department of tourism, culture and the arts (DTCAM) head Charlie Dungo, Manila Health Department chief Dr. Arnold Pangan, Manila Police District Director Gen. Arnold Thomas Ibay, City Treasurer Jasmin Talegon, Councilor at Liga ng mga Barangay President Lei Lacuna, Manila Sports Council chief Roel de Guzman at public employment service office chief Fernan Bermejo, sa pagbibigay ng karangalan sa mga indibidwal na nagpakita ng kani-kanilang natatanging kagalingan sa iba’t-ibang uri ng larangan.
Binigyang-pagkilala din ang ‘city’s top taxpayers’ sa kanilang naging tulong sa lokal na pamahalaan ng Maynila sa pamamagitan ng pagbabayad ng kanilang mga buwis, na ginagamit ng lungsod para sa mga social projects nito at iba pa. Kaugnay niyan ay pinarangalan din ang mga kumpanya na nakapagbibigay ng trabaho para sa mga residente ng Maynila.
“Binibigyang halaga natin at pinararangalan ang iba’t-ibang indibidwal at mga samahan na nagpamalas ng galing at husay sa kanilang larangan at nagsilbing mabuting halimbawa at inspirasyon sa ating mga kababayan. Sila ang mga itinuturing nating mga Modelong Manilenyo,” pahayag ni Lacuna.
Samantala, sinamahan ni Manila public information office head at mayor’s spokesperson Atty. Princess Abante sina Lacuna at Servo sa paggawad ng natatanging parangal kay Emilio C. Yap III, president at vice chairman ng Manila Bulletin, bilang Outstanding Manilan for Mass Media.
Sa kanyang kanyang bahagi, pinasalamatan ni Ang si Lacuna at ang lahat ng mga opisyal ng Maynila sa pagkilalang iginawad sa kanya na aniya ay labis niyang ikinararangal lalo pa at ito ay mula sa lungsod na siyang nagpalaki sa kanya.
“Growing up in Tondo taught me so much about life, about sticking together and helping one another. Those lessons have stayed with me, and they drive everything we do at San Miguel to make life better for many Filipinos’, ayon kay Ang.
Ito umano ang dahilan kung bakit niya itinayo ang Better World community centers sa Tondo at Smokey Mountain na hindi lamang nagkakaloob ng makakain at edukasyons kundi maging ng mga kagamitan na maaring magamit ng mga pamilya doon upang maiangat ang kanilang buhay at palakasin ang pamayanan.
“It’s our way of saying thank you to Tondo, and to this great city. This award means a lot to me because it recognizes not only what I’ve done, but the values Manila instilled in me,” ani Ang.
“I want to share this with every single person at San Miguel who is dedicated to helping build a brighter future for the Philippines. This is for you. Let’s keep working together, supporting each other, so that every child and family in Manila, and all across the country, can thrive. The possibilities are endless when we join hands,” dagdag pa ni Ang.