Nakatakdang magdaos ang Manila City government ng kakaibang fireworks display para sa mga Manilenyo kaugnay ng pagdiriwang ng Chinese New Year.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, gagawin ito sa bagong-tayong Filipino-Chinese Friendship Bridge o Binondo–Intramuros Bridge, isang tied-arch bridge na matatagpuan sa Pasig River at nagdudugtong sa Muelle de Binondo sa Binondo at sa San Nicolas sa Solana St. at Riverside Drive sa Intramuros.
Pinasalamatan rin Lacuna si City Administrator Bernie Ang dahil sa nakuhang suporta nito mula sa Chinese-Filipinos na siyang nag-isponsor ng fireworks display na masasaksihan sa Jones Bridge sa bisperas ng Bagong Taon noong Enero 1.
Ayon kay Lacuna, marami pang aasahan ang mga residente sa bisperas naman ng Chinese New Year na natapat sa Enero 21, habang ang Chinese New Year naman ay sa Enero 22.
Napag-alaman na nagdaos na ang pamahalaang-lokal ng serye ng mga pagpupulong kasama ang mga concerned agencies at departments nitong mga nakaraang araw kaugnay ng papalapit na selebrasyon.
Mas maraming aktibidad ang nakalinya ngayong taong ito dahil sa pag-aalis ng ilang mga restriksyon kontra COVID-19 ani Lacuna. (JERRY S. TAN)














