Hinikayat ni Manila Mayor Honey Lacuna ang mga Manilenyo na huwag bale-walain ang kanilang mga karamdaman at kaagad na bisitahin ang mga health centers sa kanilang mga lugar.
“Please, visit our health centers,” panawagan pa ng alkalde sa mga residente.
Ayon kay Lacuna, libre lamang ang serbisyo sa mga health centers kaya’t hindi dapat na matakot ang mga residente na magpakonsulta kung sila ay may nararamdamang sakit sa kanilang katawan.
Dagdag pa ng alkalde, may 44 health centers ang lungsod na nagkakaloob ng libreng konsultasyon, check-up, mga gamot at referral sa mga city-run hospitals, kung kinakailangan.
Paalala pa ng alkalde, na isa ring doktor, kailangan ng check-ups upang matukoy ng maaga at maagapan ang karamdaman ng isang pasyente sa early stage pa lamang nito.
Sa pamamagitan aniya nito ay maiiwasan ang pagkaka-ospital, na mas malaking gastos.
Ayon naman kay Manila Health Department (MHD) chief Dr. Arnold ‘Poks’ Pangan, nag-aalok rin ang mga health centers ng libreng laboratory tests, electrocardiogram (ECG) at ultrasound para sa mga buntis.
Sinabi ni Pangan na ang mga serbisyong ito ay mahal kung gagawin sa mga pribadong pagamutan.
Hinikayat rin naman niya ang mga residente na subukan ang bagong patient health center online appointment system ng lungsod, na alinsunod aniya sa Universal Health Care Act at isa sa eight-point agenda ni Health Secretary Ted Herbosa.
Nabatid na ang digitalization o electronic medical recording ay ginagamit na ngayon para mapabilis ang serbisyo ng health centers na nakakalat sa lungsod ng Maynila.
Paglilinaw naman ni Pangan, patuloy na tumatanggap ang mga health centers ng walk-in patients para sa mga hindi makapag-online appointment system dahil sa kawalan ng cellphone, load o internet.
“Ke naka-appointment o walk-in, malugod po kayong tatanggapon sa ating health centers. Bumista kayo para maramdaman ninyo ang kalinga at mabigyan kayo ng libreng serbisyo,” ani Pangan.