NAKAKASULASOK talaga ang maruming pulitika at mga pulitiko na mas inuuna pa ang kanilang pansariling interes kesa sa mga mamamayan na gusto kuno nilang paglingkuran.
Napakalinaw na halimbawa nito ang nangyayari ngayon dito sa Maynila.
Matapos paghirapan ni Mayor Isko Moreno, Vice Mayor Honey Lacuna, mga konsehal ng Maynila at maging ng mga responsable sa pananalapi ng lungsod ang pag-iisip kung paano maaayudahan ang mga senior citizens sa Maynila, heto at kailangan ngayong ibinbin muna ang pamimigay ng tulong sa kanila.
‘Yan ay dahil lamang sa walang basehan at katuturang pagkuwestiyon ng isang kandidato na kinilalang si Alex Lopez.
Taong 2019 pa naaprubahan ng konseho ang pagbibigay ng mga benepisyo sa ating mga senior citizens at ito ay naumpisahang maipamahagi nang regular mula pa 2020.
Ngayon, palibhasa ay panahon ng eleksyon, biglang sumulpot sa eksena itong si Lopez para lang kuwestiyunin ang pagbibigay ng nasabing benepisyo. Pati kung saan kinukuha ang pondo para dito ay kinukuwestiyon din nya.
Dahil diyan ay nagkapalitan ng mga liham ang mga tanggapan na may kinalaman dito, gaya ng Office of Senior Citizens’ Affairs (OSCA), city legal office at maging ang aking tanggapan, patungo at mula sa Commission on Elections (Comelec) upang matiyak na hindi saklaw ng ipinagbabawal na paggamit ng pondo ng pamahalaang-lokal ang pagbigigay ng ayuda sa senior citizens.
Nakahanda na sanang ibigay anumang oras ng OSCA ang tig-P1,500 kabuuang 2022 first quarter allowance ng 178,759 senior citizens gayundin ang birthday cakes at P100,000 cash gift para sa mga umabot ng 100-taong gulang pero dahil sa pagkuwestiyon ni Lopez, kinakailangan muna itong isantabi. Pinagbigyan ng pamahalaang-lungsod ang pagkuwestiyon ni Lopez at bunsod niyan, naghihintay ngayon kami sa pinal na sagot ng Comelec.
Nakalulungkot na habang kinukuwestiyon ni Lopez ang pamamahagi ng ayuda sa senior citizens, lumilikha din siya ng delay o pagka-antala imbes na matanggap kaagad ng mga senior citizens ang benepisyong para sa kanila.
Maliwanag ang layunin ni Lopez na huwag makuha ng mga senior citizens ang kanilang benepisyo dahil ang gusto niya, walang mapala ang mga naturang mamamayan sa lokal na pamahalaan at maging masama sina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna.
Sorry, Mr. Lopez. Hindi mangmang ang mga taga-Maynila at alam nila kung paano silang inalagaan nina Mayor Isko at Vice Mayor Honey lalo na sa kasagsagan ng pandemya. (Siyangapala, nasaan bai tong si Lopez sa gitna ng pandemya? May naibigay bai tong tulong mask isa mga taga-Tondo man lamang? Hindi ka naman kailangang nasa poder kung gusto mo tumulong)
Inatasan din ako nina Mayor Isko at VM Honey na gawin ang lahat para kalampagin ang Comelec at mapabilis nang husto ang pagbibigay ng “exemption” upang maituloy na ang pagbibigay ng mga cash allowance ng senior citizens.
Kaya nila sinikap na pag-isipan at hanapan ng pondo ang ayuda para sa senior citizens ay dahil alam nilang kailangan ito ng ating mga nakatatandang miyembro ng komunidad, tapos pupulitikahin lang ni Lopez.
Sa ganang akin, nais kong tiyakin sa ating mga senior citizens sa Maynila na hindi natin titigilan ang pangungulit sa Comelec hanggang sa makakuha na tayo ng exemption at maibigay na din sa kanila ang mga benepisyong dapat ay nakuha na sana nila kung hindi pinulitika ni Mr. Lopez.
Mahigpit na bilin nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna na gawin ang lahat para maibigay na ang ayuda ng senior citizens sa kabila ng mga taktikang ginagawa ni Lopez para harangin ito.
Samantala, pakiusap kay Mr. Lopez. Baka naman puwede, ‘wag nang kaladkarin sa marumi at pansariling pulitika ang mga senior citizens na siyang kawawa kapag patuloy na nabinbin ang mga benepisyo hanggang sa matapos ang eleksyon.
***
(Comments and suggestions may be emailed to peoplestonightonline@gmail.com.)














