TINIYAK ni Mayor Honey Lacuna sa libo-libong mga barangay tanod sa Maynila na ang lokal na pamahalaan ay laging ikararangal ang kanilang sakripisyo at ambag sa ‘peace and order situation’ ng lungsod, kasabay ng pagtitiyak na ang kanilang kapakanan ay pangunahin sa isipan nina Pangulong Bongbong Marcos, Jr. at House Speaker Martin Romualdez.
Ang ganitong pahayag ay ginawa ni Lacuna matapos na siya, kasama si Vice Mayor Yul Servo, ay mamigay sa mga libong barangay tanod ng cash assistance mula sa AKAP assistance program ni President Marcos, Jr. at Speaker Romualdez bilang pagkilala sa kanilang pagsisikap at dedikasyon sa tungkulin.
Kasama rin ng alkalde sa pamimigay sina social welfare department chief Re Fugoso, at barangay chairman Bong Marzan, Councilor Science Reyes, Dr. Dianne Nieto at Christian Floirendo sa pagbibigay ng P2,000 sa bawat isa sa mga beneficiaries sa San Andres Sports Complex.
Ang Maynila ay mayroong 896 barangays kung saan ang bawat isang barangay ay may hindi bababa sa 10 tanod.
Sa kanyang maiksing mensahe ay sinabi ni Lacuna na nagbigay katiyakan sina President Marcos, Jr. at Speaker Romualdez ng tulong sa kanyang administrasyon nang mabanggit niya ang pangangailangang mabigyan-pansin ang kalagayan ng mga barabgay tanod na aniya ay madalas na naiiwan pagdating sa mga benepisyo.
Agad naman aniyang tumugon sina President Marcos Jr. at Speaker Romualdez na magpapadala ng ayuda na idinaan sa tanggapan ng alkalde.
“Alam na alam naman po ninyo na ang Maynila ay kapos sa pondo, dahil marami tayong utang na binabayaran. Sa tulong po nina President Bongbong at Speaker Romualdez ay pwede pong dagdagan ang mga ibinababang ayuda sa city of Manila,” qni Lacuna.
Muling nagpasalamat ang alkalde sa Pangulong Marcos at House Speaker sa kanilang buong suporta sa kanyang administrasyon.
“Pasalamat naman tayo at full support po sila kay Dra. Honey Lacuna at sa mga Manilenyo. Hindi ko po ito kakayaning mag-isa kailangan ko po ang tulong at hindi po ako nahihiyang manghingi ng tulong kung para sa inyo. Okay lang, hihingan ko ng tulong lahat ng tao,” Lacuna added.
Ayon sa lady mayor ang mga barangay tanod ang laging humaharap sa panganib at mga delikadong insidenteng nagaganap sa mga barangay.
“Sino ba lagi ang pagod? Sino ba ang laging puyat” Sino ang lagi na lang namemeligro ang buhay kababantay? Sino ang maliit ang nakukuhang sweldo? Kaya sabi ko, tanod lagi ang huling pinapatawag kaya ngayon kayo naman muna. ‘Wag kayo mag-alala dahil lahat ng pupuwede naming maiibigay, ibibigay dahi deserve n’yo ‘yan. Hnding-hindi ko kayo pababayaan…hinding-hindi ko kayo iiwan,” pagbibigay diin ni Lacuna.














