HINIMOK ni Manila Mayor Honey Lacuna ang lahat ng mga barangay officials sa bansa na magpakalat ng impormasyon sa kani-kanilang nasasakupan ukol sa kung paano maiiwasan ang sunog, bunsod ng sunod-sunod na insidente ng sunog sa lungsod nitong mga nakalipas na araw.
Ang pahayag ay ginawa ni Lacuna nang pangunahan nila ni Vice Mayor Yul Servo, kasama si social welfare deparment head Re Fugoso, ang pamamahagi ng tulong-pinansiyal para sa 203 pamilya na nawalan ng tahanan bunga ng mga sunog kamakailan lamang.
Partikular na sa mga barangay na madami ang populasyon, binigyang-diin ni Lacuna ang kahalagahan na magabayan ang mga residente kung paano makaiiwas sa sunog at kadalasang sanhi nito.
Batay umano sa ulat ni Fugoso ay pitong sunog ang naganap sa Maynila mula June 13 hanggang June 24, 2024 o sa loob lamang ng 11 araw.
Mula sa nasabing bilang, lima sa mga nasabing sunog ay naganap sa first district ng Tondo at tig-isa naman sa Districts 2 at 4.
Ang bawat isa sa mga pamilyang binigyan ng financial assistance ay binigyan ng tig- P10,000 bawat isa, habang pitong unattached individuals naman ang tumanggap ng P3,000 kada isa.
Napag-alaman kay Fugoso na ang kabuuang halaga ng ipinamahaging cash assistance sa mga nasunugan ay umabot ng mahigit P2 million.
Inihayag ni Lacuna na bagama’t hindi ganoong kalaki ang tulong na ipinamahagi ng pamahalaang-lokal, ito umano ang paraan ng kanyang administrasyon upang kahit paano ay makatulong sa mga apektadong pamilya na makapagsimulang muli at upang ipadama rin sa kanila na naririyan lamang ang lokal na pamahalaan sa panahon ng kanilang pangangailangan.














