Tiniyak ni Department of Transportation (DOTr) Secretary Jaime Bautista nitong Miyerkules na istrikto silang tumalima sa lahat ng mga batas at sa Konstitusyon sa pagpapatupad ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP).
Tugon ito ni Bautista sa kasong inihain ni Manibela President Mar Valbuena Jr. laban sa kanya at iba pang opisyal ng DOTr sa Office of the Ombudsman.
Paglilinaw naman ni Bautista, wala pa silang natatanggap na anumang complaint-affidavit, subpoena o maging kautusan mula sa Ombudsman hinggil sa reklamong inihain ni Valbuena.
Paniniguro pa niya, pag-aaralan nilang mabuti ang mga alegasyon sa sandaling matanggap ito at sasagutin sa takdang oras at tamang forum.
“This refers to the reported Complaint-Affidavit allegedly filed by Mar Valbuena Jr. before the Office of the Ombudsman,” ani Bautista, sa isang pahayag sa kanilang social media pages.
“As of today (Pebrero 7, 2024), we have not yet officially received any Complaint-Affidavit. We also have not received any Subpoena or Order from the Ombudsman to submit our Counter-Affidavit. We will study the allegations once received and respond at the appropriate time or forum,” ayon kay Bautista.
Siniguro rin niya sa publiko na sa pagpapatupad ng PUVMP ay tiniyak ng DOTr at ng mga attached agencies nito na istrikto silang tumalima sa mga probisyon ng 1987 Constitution, gayundin sa mga relevant laws at jurisprudence. “We assure the general public that in implementing the PUV Modernization Program, DOTr and its attached agencies endeavor to strictly comply with pertinent provisions of the 1987 Constitution, as well as relevant laws and jurisprudence.”
Nitong Miyerkules ng umaga ay una nang inireklamo ng Manibela ang mga opisyal ng DOTr sa Ombudsman, kaugnay sa pagbawi ng prangkisa ng mga PUVs na hindi nakapag-consolidate, sa ilalim ng naturang modernization program.
Bukod kay Bautista, kabilang din sa mga respondents sa kaso sina Office of Transport Cooperatives (OTC) chairperson Ferdinand Ortega, Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) chairperson Teofilo Guadiz II, at Solicitor General Menardo Guevarra.
Batay sa inihaing reklamo sa Office of the Ombudsman, sinabi ni Valbuena na nilabag ng mga DOTr officials ang Konstitusyon at Anti-Graft and Corrupt Practices Act sa pagsusulong ng PUVMP.
Nais rin niyang masampahan ng mga kasong kriminal ang mga opisyal at mapatawan ng preventive suspension.
Matatandaang Disyembre 31, 2023 nang matapos ang deadline para sa konsolidasyon ng mga PUVs sa isang kooperatiba o korporasyon.
Kamakailan lamang naman ay nagpasya si Pang. Ferdinand Marcos Jr. na palawigin pa ito hanggang sa Abril 30, 2024, base na rin sa rekomendasyon ni Bautista.
Nagbabala naman si Bautista sa mga transport group na pinal na ang naturang deadline at hindi na nila ito muling palalawigin pa.














