“MAY mga pagkakataon na babatikusin kayo, wala naman kayong nagawa daw. Tandaan ninyo, di talaga nawawala minsan ang pagdududa at inggit sa katawan ng tao. Sabi nga nila, pag me sinasabi sa ‘yo ang isang tao, marahil di niya nakikita sa sarili niya ‘yung ginagawa ninyo.”
Ito ang ipinayo ni Manila Mayor Honey Lacuna sa mga opisyal at miyembro ng School Parent-Teacher Associations (SPTAs) kasabay ng pagbibigay-diin sa kahalagahan ng kanilang tungkulin sa pagsasagawa ng mga proyekto na maghahatid ng pangmatagalang benepisyo sa mga mag-aaral.
“Yung kahit di na kayo officers, papakinabangan pa din. ..’yung pangmatagalan na maipapasa sa kanila at magiging magandang halimbawa sa susunod na taon at mga bagong opisyal,” ani Lacuna .
Hinimok ng alkalde ang SPTA na mag-focus sa kanilang trabaho at huwag magpa-distract kapag may tsismis o batikos na maririnig.
“Mahirap mag-alaga ng anak, lalo na pag maraming bata, ibang klase ‘yun. Iba talaga kapag me malasakit ka sa ginagawa mo. Walang imposible, walang di kayang gawin basta andun ang pag-iisip mo,” pahayag ng alkalde.
“‘Wag mawalan ng pag-asa, basta maganda ang hangarin ninyo, lalo na para sa inyong mga nag-aaral na anak. Basta kami, sa abot ng aming makakaya, ay tutulong at tutulong sa inyo. Pag sama-sama, walang imposible. Kami ay naniniwala na lahat dapat kasama, dahil lahat mahalaga,” dagdag pa nito.
Partikular na binanggit din ng alkalde ang kahalagahan ng papel ng SPTA sa pagtulong sa mga educational institutions, pagtugon sa mga pangangailangan ng mga estudyante at ayon sa kanya, ang mga magulang ang siyang pinakamagaling na katuwang ng mga paaralan, dahil alam na alam nila kung ano talaga ang kailangan ng mga mag-aaral.
Samantala, tiniyak ng alkalde na ang pamahalaang- lokal ay patuloy na magbibigay ng edukasyong de kalidad, mga pasilidad na kaiga-igaya para sa pag-aaral at suporta sa mga guro sa lahat ng paraan.
“Pero bawat isang paaralan laging kailangan ng katuwang dahil hindi lahat kaya ng pamahalaan at paaralan lamang, sa dami ng pampublikong paaralan. The best partner ang mga magulang dahil una, sila ang nakakaalam sa mga pangangailangan ng mga anak at sila din ang may best intention. Kaya ang mga ganitong samahan ay very welcome at napakahalaga sa bawat paaralan sa lungsod,” ani Lacuna.