Magandang balita para sa mga batang may kapansanan na naninirahan sa lungsod ng Maynila dahil maging sila ay tatanggap na rin ng financial assistance mula sa Manila City Government.
Ayon kay Manila Mayor Honey Lacuna, pasado na ang City Ordinance 8991 na nagsasaad na ang mga batang PWDs ay tatanggap na rin ng P500 na monthly allowance, sa ilalim ng Social Amelioration Program (SAP).
“Sa pamamagitan ng City Ordinance 8991 naman ay makakasama na rin sa benepisyaryo ng Social Amelioration Program (SAP) para sa 500 pesos monthly allowance ang mga batang may kapansanan,” anang alkalde.
Kaugnay nito, pinasalamatan din ng alkalde ang Manila City Council sa pamumuno ni Presiding Officer at Vice Mayor Yul Servo at ang Manila City Councilors sa kanilang pagtugon sa kanyang kahilingan nang ipasa nila ang nasabing ordinansa ng walang anumang hadlang.
Nabatid na mayroong halos 2,158 children-residents na may kapansanan ang makikinabang sa nasabing ordinansa sa sandaling ito ay maipatupad na.
Dahil dito, ang mga batang may kapansanan ang pinakahuling karagdagan sa listahan ng mga sektor na tumatanggap ng monthly financial aid sa ilalim ng city’s SAP na ipinasa sa panahon ng incumbency ni Lacuna bilang city’s vice mayor at Council Presiding Officer.
Matatandaan na ipinasa ito noong kasagsagan ng pandemya kung saan ang mga residente ng Maynila ay bagsak ang kalagayang pang-ekonomiya dahil sa masaklap na dulot ng COVID-19.
Sa ilalim ng nasabing programa, ang mga senior citizens, solo parents, persons with disability, estudyante mula sa dalawang city-run universities at senior high students ay tumanggap ng monthly cash assistance mula sa lungsod.
Ang mga college students ay tumatanggap ng P1,000 monthly allowance mula sa lungsod, habang ang senior high school students ay nakakatanggap naman ng P500 kada buwan, pati na rin ang mga solo parents, senior citizens at PWDs.
“Makakaasa po kayo na ang inyong pamahalaang-lungsod ay patuloy na gumagawa ng paraan para paginhawain ang pamumuhay ng bawat pamilyang Manilenyo,” paniniguro ni Lacuna sa mga residente.