PATAY na ng matagpuan ang isang pitong-taong gulang na batang babae matapos dalhin sa gubat, bugbugin at sakalin ng isang lalaking hinihinalang may ‘sayad’ sa Sariaya, Quezon, ayon sa salaysay ng kanyang kalaro na nagawang magpatay- patayan para makaligtas .
Sa ulat ng Sariaya Municipal Police Station, nakaligtas ang biktima na kaedad ng namatay, matapos magkunwaring patay na. Ito ang nagsalaysay ng mga pangyayari sa pulisya.
Lumitaw sa paunang imbestigasyon ng Sariaya PNP , magkasama ang dalawang biktima na naglalakad sa bukid sa Barangay Morong para sundan ang ina ng isa sa mga bata na naghatid ng pagkain sa asawa nito.
Sa salaysay ng nakaligtas na bata, magkasabay umano silang naglalakad nang biglang sumulpot umano ang 23-anyos na suspek at nag-alok na samahan ang mga bata.
Ayon sa survivor, bigla na lamang silang binuhat ng suspek, sinakal gamit ang dahon ng buli at paulit-ulit na pinagsusuntok.
Dito na umano nagkunwaring patay ang isa sa mga bata at paggising umano niya ay wala na ang kanyang kaibigan. Hindi nagtagal ay nakita umano niya ang suspek na buhat-buhat ang kanyang kaibigan .
Nakauwi ang biktima at nakapagsumbong sa pamilya at matapos ang mahigit isang oras ay natagpuan ang kanyang kaibigan na duguan at wala nang buhay sa gitna ng mga puno ng buli na sakop ng Barangay Pili.
Nakilala ng nakaligtas kung sino ang suspek na sumuko rin sa chairman ng Barangay Morong. Sinabi ng suspek na hindi umano niya alam ang kanyang nagawa pero humingi siya ng tawad.
Ayon naman kay PLt. Reynante De Chavez, chief investigator ng Sariaya Police, hirap silang makausap ang suspek ngunit sinabi umano nito na napagkamalan niyang manika ang mga biktima.
Inaalam din ng mga awtoridad kung may diperensya ito sa pag-iisip o kung gumagamit ng droga.
Kinasuhan na ito ng murder at frustrated murder.