SA di na mabilang na pagkakataon ay nanawagang muli si Manila Mayor Honey Lacuna sa mga magulang at guardians na pabakunahan ang kanilang mga anak o alagang bata matapos mapag-alaman sa datos na ang bilang ng batang may edad lima hanggang 11 anyos na nabakunahan na ay ni hindi pa umaabot sa 50 percent ng target na numero na 168,446 lahat.
Kaugnay din nito ay nanawagan din ang alkalde sa mga senior citizens na magpabakuna ng primary o booster shots at gayundin sa mga edad 18 hanggang 59 na magpa-booster na, lalo na’t sila ang pinaka-madalas na lumalabas.
Ang apela ay ginawa ni Lacuna dahil na rin sa patuloy na pagtaas ng bilang ng kaso ng COVID-19 nitong mga nakalipas na linggo, batay sa bilang na natatanggap ng health cluster ng lungsod.
“Vaccination is still the solution. Tumataas po ang mga kaso, kaya bigyan po natin ng proteksyon ang mga alaga nating ‘chikiting’ sa bahay,” pahayag ng alkalde, na isa ring doktora.
Ayon kay Lacuna, habang ang bilang ng mga senior citizens na nakakuha na ng first dose ay mahigit 95 percent, ang bilang naman ay bumaba sa 86 percent pagdating sa booster shots, kung saan 60 percent lamang ang naitala para sa first booster at 20 percent naman para sa second booster.
Pagdating naman sa mga batang ang edad ay lima hanggang 11, ang bilang ng mga nakatanggap ng primary shots ay ni di pa umano umabot ng 50 percent.
Habang maganda naman ang bilang na naitala sa mga minors edad 12 hanggang 17 dahil nakapagtala sila ng 100 percent sa primary shots, gayunman ay ten percent lamang ang kumuha ng first booster.
Sa mga edad 18 hanggang 59 naman, nakapagrehistro sila ng 100 percent sa first at second dose subalit ang bilang ay bumaba sa 65 percent para sa first booster at tanging eight percent lamang ang nagpabakuna ng second booster.
“So, mga lolo at lola, mommy at daddy, kayo pa naman ang laging gala nang gala, di kayo mapalagay sa bahay. Please, bago kayo gumala, magpunta muna kayo sa health center at magpabakuna,” sabi ni Lacuna.
Binigyang-diin ni Lacuna na ang kanyang panawagan ay nakatuon din sa mga itinuturing na ‘high risk individuals’ tulad ng senior citizens, pregnant women, immuno-compromised at mga may comorbidities.














