Latest News

BARANGAYS, HININGI ANG TULONG SA PAGPAPALIWANAG UKOL SA SOLO PARENTS

By: Jerry S. Tan

Hinihiling ni Manila Mayor Honey Lacuna sa mga punong barangay na tulungan ang pamahalaang-lungsod na ipaliwanag sa kanilang mga nasasakupan kung sino ang kwalipikadong makakuha ng ayuda bilang ‘solo parent.’

Ani Lacuna, ang mga solo parents na mayroon nang bagong asawa ay hindi na kuwalipikado upang tumanggap ng ayuda mula sa pamahalaang lungsod.

Ang panawagan ay ginawa ni Lacuna kasunod ng nalalapit nang pagsisimula ng panibagong payout ng monthly cash aid para sa solo parents sa lungsod sa susunod na buwan.

Umapela si Lacuna sa mga punong barangay na tulungan silang ipaliwanag sa kanilang mga constituents kung sinu-sino lamang ang itinuturing na solo parents.

Ito ay bunsod ng ulat ni Manila Department of Social Welfare chief Re Fugoso na may ilang residente ang nagsasabing sila ay solo parents upang makakuha ng monetary assistance mula sa lokal na pamahalaan, kahit batid nilang hindi na sila talaga solo parents.

Tiniyak naman ni Fugoso, na kahit makalusot sila sa lokal na pamahalaan ay hindi naman sila makakalusot sa mga ‘marites’ nilang kapitbahay, kaya’t natutukoy pa rin kung sino talaga sa mga residente ang tunay na solo parents.

“Maaring makalusot kayo sa amin pero may mga ‘Marites’ na kapitbahay kaya malalaman at malalaman din namin,” dagdag pa ni Fugoso.

Sa kanyang banda, ipinaliwanag naman ni Lacuna na maituturing lamang na solo parent ang isang residente kung ito ay walang katuwang sa pag-aalaga ng kanyang menor de edad na anak.

Sa sandali umanong mag-asawa itong muli o magkaroon ng bagong kinakasama o ang anak ay di na menor de edad ay hindi na siya maituturing pang solo parent, dagdag pa ni Fugoso.

Kaygnay niyan ay umapela rin naman si Lacuna sa mga residente na hindi na maituturing na solo parent, na ibigay na ang kanilang slot sa mga magulang na tunay na mag-isang sumusuporta sa kaniyang anak na menor de edad at mas nangangailangan ng tulong.

Sa ilalim ng social amelioration program (SAP) ng Manila City government, ang mga solo parents ay tumatanggap ng P500 na monthly cash assistance mula sa lungsod ng Maynila bilang ayuda.

Tags:

You May Also Like

Most Read