BILANG pagbibigay ng parangal sa yumaong aktres, singer at National Artist for Film and Broadcast Arts na si Nora Aunor ay inilagay sa half-mast ang watawat ng Pilipinas sa Kartilya ng Katipunan sa Manila City Hall, nitong Martes.
Mismong si Manila Mayor Honey Lacuna, kasama si Vice Mayor Yul Servo at iba pang opisyal, ang nanguna sa pagbibigay-parangal ng lungsod kay Aunor, na pumanaw noong Abril 16. Pinasalamatan at binigyang-papuri ni Lacuna si Aunor dahil sa iniwan nitong legacy o pamana sa bansa, sa pamamagitan ng sining.
“Maraming salamat, Ate Guy, sa mga alaala, sa sining at sa pagmamahal na iniukit mo sa kasaysayan ng ating kultura. Habambuhay kang mananatiling buhay sa puso ng iyong mga tagahanga at sa sining na hindi kailanman malilimutan,” pahayag ni Lacuna.
Dagdag pa ng alkalde: “Isang Taos-Pusong Pakikiramay at Pagpupugay kay Nora Aunor…Paalam, aming Superstar. Saludo kami sa iyo!,”
Sina Lacuna at Servo ay dumalo sa state necrological service na ginawa sa Metropolitan Theater, Manila, kasama ang ilang opisyal ng lungsod at kung saan ay halinhinang nagbigay ng eulogies ang National Artist din na si Ricky Lee at actor-director Joel Lamangan.
Nora Cabaltera Villamayor sa tunay na buhay, si Aunor ay inihatid sa kanyang huling hantungan nitong Martes, April 22, sa Libingan ng mga Bayani sa Taguig City, kung saan nagsilbing escorts ang mga kawani ng Armed Forces of the Philippines (AFP) .
Binalot ng watawat ang kabaong ni Aunor at siya ay binigyan ng departure honor na sinundan ng isang funeral march mula heroes’ gate hanggang sa kanyang libingan.
Si Aunor ay nakilala sa kanyang pinagmulan bilang nagtitinda ng tubig sa riles ng tren hanggang sa siya ay ma-discover dahil sa kanyang ‘golden voice.’ Siya ay unang sumikat bilang singer hanggang sa siya ay pumalaot sa pelikula, kung saan mas sumikat pa siya at humakot ng maraming awards dahil sa angking galing sa pag-arte.
Ilan sa mga sumikat niyang pelikula ang “Himala”, “Minsan May Isang Gamu-gamo”, “Ina Ka ng Anak Mo”, “Bulaklak sa City Jail” at “The Flor Contemplacion Story.”