Latest News

Inihayag ni Mayor Honey Lacuna says na wala nang COVID vaccines isa lungsod ng Maynila. (JERRY S. TAN)

Bakuna vs. COVID-19 ng Manila LGU, ubos na — Mayor Honey

By: Jerry S. Tan

Inianunsiyo ni Manila Mayor Honey Lacuna nitong Huwebes na ubos na ang bakuna kontra COVID-19 ng city government.

Kaugnay nito, pinaalalahanan ng alkalde ang mga residente na patuloy na mag-ingat upang hindi dapuan ng naturang sakit.

Paliwanag nya, kahit pa inalis na ng pamahalaan ang state of health emergency sa bansa dahil sa naturang virus, ay hindi nangangahulugan ito na wala na nga ang COVID-19.

Ayon kay Lacuna, base sa record ng Manila Health Department (MHD) na pinamumunuan ni Dr. Poks Pangan, mayroon pa silang naitalang tatlong bagong kaso ng COVID-19 sa lungsod.

Nangangahulugan aniya ito na mayroon pang 33 kumpirmado at aktibong kaso ng sakit ang Maynila.

Kung mayroon naman aniyang konsolasyon, ito ay pawang mild naman ang sakit ng mga pasyente at wala ni isa man sa kanila ang dumaranas ng kritikal o malalang kaso ng karamdaman.

Samantala, sinabi rin ni Lacuna na kahit wala ng bakuna laban sa COVID-19 ay tiniyak naman sa kanya ni Health Undersecretary Maria Rosario Vergeire na patuloy na mamimigay ang Department of Health (DOH) ng bakuna laban sa pneumonia at influenza.

“Wala na tayong bakuna pero nakausap ko si Health Undersecretary Rosario Vergeire na patuloy pa ring magbibigay ang DOH sa mga lungsod, hindi lang Maynila, ng mga bakuna laban sa pneumonia at influenza,” anunsiyo pa ng alkalde.

Tiniyak rin niya na sa sandaling maging available na ang mga naturang bakuna ay kaagad nila itong ipapaalam sa mga residente, lalo na sa mga senior citizens na mas prone sa pneumonia.

Maaari aniyang i-avail ang mga bakunang ito ng libre sa mga health centers na pinakamalapit sa kanila.

Sa kabilang dako, sinabi rin ni Lacuna na tuloy pa rin ang pagkakaloob nila ng libreng swab tests sa mga pagamutan sa lungsod, para sa sinumang residente na ngangangailangan nito.

Tags:

You May Also Like

Most Read