Pinangunahan mismo ni Manila Mayor Honey Lacuna ang inagurasyon at pagbabasbas ng isang bagong police community precinct (PCP) sa Maynila, na magsisilbi sa may 39 barangay sa ikalawang distrito ng Tondo.
Kasama ni Lacuna sina Vice Mayor Yul Servo at Manila Police District (MPD) Director PBGen. Arnold Thomas Ibay at Station Commander PLTCOL Anthony Coyle Olgado at iba pa, sa naturang aktibidad, kung saan hinikayat ng alkalde ang mga tauhan ng Manila Police District (MPD) na nakakasakop sa lugar na patuloy na magbigay ng ‘dedicated service’ sa mga Manilenyo.
Nagpasalamat din si Lacuna kay Congressman Rolan ‘CRV’ Valeriano (2nd district) dahil sa pagtulong sa kanyang administrasyon, na naiwanan umanong gipit sa pondo bunga ng P17.8 bilyong utang ng nakalipas na administrasyon ni Isko Moreno.
Tinukoy rin ni Lacuna ang ‘selfless dedication’ ni Valeriano sa pagkakaloob ng tulong sa lungsod.
“This new precinct is a testament to our continued commitment to peace and order. Ito pong si Congressman Valeriano ay masasabi kongi sang tunay na kapatid dahil wala akong hiniling sa kanya na di niya pinagbigyan,” ani Lacuna.
Ang bagong Tayuman PCP ay matatagpuan sa Immaculada Street sa Tayuman at kabilang sa mga barangay na pagsisilbihan nito ay ang Barangays 50 hanggang 61, Barangays 152 hanggang 165, Barangays 217 at 218 at Barangays 221 hanggang 227, na pawang nasa ikalawang distrito ng Tondo.
“Pangunahing layunin nito (PCP) ang direktang pakikipag-ugnayan ng kapulisan sa mga komunidad. Mas dama ng mamamayan ang presensiya ng mga pulis anumang oras at nakapagbibigay ng kapanatagan sa bawat isang Manilenyo. Mayroon silang katiyakan na mayroon silang matatawag sa oras ng pangangailangan,” ani Lacuna.
“Kaya naman nagpapasasalamat tayo kay Congressman Valeriano dahil sa proyektong ito ng pagpapagawa ng bagong PCP dito sa Tayuman. Sa pamamagitan nitong bagong istraktura ay inaasahan natin na lalong magiging Ganado ang inspirado ang mga pulis na nakatalaga dito na maging epektibo sa kanilang serbisyo at maging alerto sa kanilang tungkulin,” dagdag pa nito.
Pinasalamatan rin ni Lacuna ang pamunuan ni Gen. Ibay dahil sa pagtalima sa mottong, “To Serve and Protect… Service, Honor and Justice” at pagiging palagiang handa sa lahat ng hamon, upang maprotektahan ang lungsod at mga residente nito.
Sa kanyang panig, tiniyak naman ni Valeriano na mas marami pa siyang proyektong nakahanay para sa kanyang susunod na termino.
Nanawagan rin siya sa mga Manilenyo na huwag hayaang bumalik pa sa mala-bangungot na sitwasyon ang lungsod, bago manungkulan si Lacuna sa posisyon.
Samantala, pinasalamatan naman ni Ibay sina Lacuna at Valeriano dahil sa kanilang suporta sa MPD.
Kasabay niyan ay nangako rin si Ibay na higit pa nilang pagbubutihin ang pagsisilbi sa Maynila upang mapanatili ang kapayapaan at kaayusan nito sa lahat ng oras.