Nagtalaga si Mayor Honey Lacuna ng bagong hepe ng Manila Traffic and Parking Bureau (MTPB) sa layong tiyakin ang mas maayos at mabuting serbisyo sa mga residente ng lungsod.
Sa kanyang ikatlong state of the city address (SOCA), nagpahayag ng pagkalungkot si Lacuna na sa kabila umano ng walang tigil na pagpapaalala sa MTPB na itama ang mga mali nito at magsagawa ng reporma sa MTPB, bigo pa rin ito na ipakita ang inaasahan niyang uri ng trabaho na dapat para sa mga taga-Maynila.
“Pinaaalahanan naman ang punong tanggapan ng MTPB na iwasto ang mga pagkakamali, punan ang pagkukulang at ayusin ang paglilingkod. Subalit sa kabila ng patuloy na pagpaalala, hindi natin maramdaman ang pagbuti ng kanilang serbisyo sa Manileño, kaya’t pinalitan na natin ang pinuno nito upang mapagbuti ang paglilingkod ng MTPB,” ani Lacuna.
“Sa bagong pamunuan, tanggapin natin ang hamon ng taumbayan para sa isang tapat na paglilingkod,” dagdag pa nito.
Bago nito ay iniutos ni Lacuna ang pansamantalang pagpapahinto sa ‘clamping and towing operations’ ng MTPB, bunsod ng mga reklamo mula sa mga motorista.
Aniya, mismong City Hall ang nakakatanggap ng mga reklamo at ito ay regular na nangyayari , kung saan ang madalas na inirereklamo ay ang pamamaraan kung paano ginagawa ang nasabing ‘towing and clamping operations’ sa mga sasakyan.
Batay dito ay naglabas ng memo ang bagong talagang MTPB Officer-In-Charge na si Narciso Diokno III, upang magbabala sa lahat ng magba-balewala sa kautusan ng alkalde.
Samantala, pinapurihan ni Lacuna ang Manila Police District (MPD) sa ilalim ng liderato ni Gen. Arnold Thomas Ibay, dahil sa pagiging epektibong katuwang ng lungsod pagdating sa pagpapanatili ng kapayapaan at kaayusan sa lahat ng oras.
“Gusto natin ng may kapanatagan, tahimik, at payapang pamumuhay sa lahat ng sulok ng lungsod, kaya’t pinaigting natin ang ugnayan sa Manila Police District. Tinugunan nila ang ating mahigpit na direktiba na ipatupad ang lahat ng mga umiiral na kautusan at ordinansa lalo na sa disiplina,” pahayag pa ni Lacuna.
Binigyang-diin din nito na sa loob lamang ng isang taon ay nakapagsagawa na ang MPD ng kabuuang 25,000 operations laban sa mga lumalabag sa curfew, obstruction and traffic, at iba pa.
Bukod diyan ay patuloy rin umano ang MPD sa kampanya laban sa illegal drugs, illegal gambling at loose firearms.
Bilang karagdagan, inihayag ni Lacuna na mahigit 1,500 ‘Most Wanted’ persons and ‘Other Wanted Persons’ na ang naaresto ng MPD at lahat sila ay nasampahan na ng kaukulang kaso.
“Mahigpit na atas natin sa ating kapulisan na iparamdam nila ang kanilang presensya sa lahat ng oras at ipadama nila ang dakilang pagtupad sa kanilang misyon, ‘To Serve and Protect.’ dagdag pa ng alkalde.














