Nagpahayag ng kumpiyansa si Manila Mayor Honey Lacuna sa kakayahan ng bagong talagang si Manila Police District (MPD) acting director PCol. Arnold Thomas Ibay upang panatihin ang kaayusan at kapayapaan sa lungsod, partikular na ngayong idaraos na ang 2023 Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE), gayundin ang paggunita sa Undas.
Matatandaang kauupo lamang sa puwesto ni Ibay bilang bagong pinuno ng MPD noong Oktubre 18 ngunit masasabak na ito sa dalawang malalaking okasyon sa lungsod.
“Sa kanyang pamumuno, tayo ay naniniwala na lalo niyang paiigtingin ang kapayapaan at kaayusan sa ating minamahal na lungsod,” pahayag pa ni Lacuna, nang ipakilala si Ibay, sa ginanap na regular na flag raising ceremony ng lokal na pamahalaan nitong Lunes.
Nabatid na binigyan rin naman ng direktiba ni Lacuna si Ibay para sa naturang dalawang malaking aktibidad na magaganap sa Lungsod na magsisimula sa Oktubre 30 at magtatapos sa Nobyembre 2.
Anang alkalde, “Kami po ay nag-usap na. I already gave directives at sabi niya, nung tinanggap nya ang posisyon ay ‘wholeheartedly po niya itong gagawin, so maraming salamat po.”
Sa kanyang panig, tiniyak naman ni Ibay sa alkalde at sa mamamayan ng Maynila sa tulong ng kanyang mga kasamahan sa MPD ay gagawin nila ang lahat upang mapanatilinang kapayapaan sa Maynila sa harap ng malalaking aktibidad.














