Latest News

(mula kaliwa) Sina Congressman Irwin Tieng (5th district), Councilors Bel Isip at Charry Ortega, Mayor Honey Lacuna, Vice Mayor Yul Servo at City Engineer Moises Alcantara nang pangunahan ang groundbreaking ng bagong Kalinga Center sa Paco, Maynila. (JERRY S.TAN)

BAGONG KALINGA CENTER, ITATAYO SA PACO NANG DI KAILANGAN MANGUTANG — MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

“PROYEKTONG galing sa sariling sikap, hindi sa utang. Kalinga sa Maynila, tuloy-tuloy na.”

Ganito ang naging paglalarawan ni Mayor Honey Lacuna sa bago at modernong sampung palapag na ‘Kalinga sa Maynila Center’ na itatayo sa Paco, Manila at aniya ay isang one-stop-shop center para sa mga pangunahing serbisyo ng Manila City Hall na sa kanyang pangunguna ay nagkaroon ng groundbreaking nitong Biyernes ng umaga.

(mula kanant) Pumirma sina Congressman Irwin Tieng (5th district), Councilor Charry Ortega, Mayor Honey Lacuna, Councilor Bel Isip,Vice Mayor Yul Servo at City Engineer Moises Alcantara sa mga dokumento bago ang capsule-laying sa ginanap na groundbreaking ng bagong Kalinga Center sa Maynila. (JERRY S. TAN)

Kasama ni Lacuna sa nasabing aktibidad sina Vice Mayor Yul Servo at Congressman Irwin Tieng, na kanyang pinapurihan matapos mangako ng suporta sa nasabing proyekto sa pamamagitan ng paglalagay nito ng mga Ilaw at iba pa.


Sinabi ni Lacuna sa kanyang mensahe na lahat ng serbisyong ibinibigay nang lingguhan o minsan ay dalawang beses kada linggo sa idinaraos na ‘Kalinga sa Maynila’ ay makukuha na rin sa nasabing center.

Ang ‘Kalinga’ program ay dinadala ni Lacuna sa mga barangay kung saan dinadala ng kanyang administrasyon direkta sa mga komunidad at residente, ang iba’t-ibang uri ng serbisyo na kadalasang dahilan ng pagpunta ng mga residente sa City Hall.

Kada forum ay bitbit ni Lacuna ang lahat ng pinuno ng iba’t-ibang tanggapan, kawanihan at departamento upang tumugon sa lahat ng tanong, reklamo at kahilingan mula sa mga residente nang sa gayon ay hindi na nila kailangan pang magtungo ng City Hall para sa mga nasabing serbisyo.

Bukod diyan ay mayroon ding mga stalls na inilalagay ang bawat tanggapan para mag-asikaso ng mga residente sa iba’t-ibang uri ng pangangailangan. Kabilang dito ang mga stalls na nagbibigay ng trabaho, libreng pet vaccinations, pagbibigay ng bago o renewal ng IDs para sa senior citizens, solo parents at persons with disability, mga medikal na pangangilangan, gayundin ang birth at death certificates, at marami pang iba.


Napag-alaman na ang “Kalinga sa Maynila Center” ay may kabuuang halaga na ?973.3 million, kung saan ang Phase 1 ay nagkakahalaga ng ?400 million at ang Phase 2 naman ay nasa ?573.3 million. Ang mga ito ay pinondohan mula sa city budget .

Ang phase 1 ay target umanong matapos sa December 2025, habang ang bidding para sa Phase 2 ay naka-schedule sa February 2025.

“Ang tanong marahil ninyo ay bakit ngayon lang? Atin pong sininop muna ang pondo ng lungsod. Ang gusto ko po kasi, galing sa sariling sikap ang ang gagamiting panggastos at hindi ‘yung mangungutang pa. Pupuwede naman pala,” ani Lacuna.

Inanunsyo din ng alkalde na ang mga lingguhang serbisyo ng ‘Kalinga’ na hatid ng kanyang administrasyon ay maari nang makuha sa nasabing center araw-araw sa oras na ito ay matapos na.


Ani Lacuna, makikita sa ten–storey building ang mga tanggapan ng Senior Citizens Affairs Office, Youth Center, Crisis Center for Women and Children, Trabaho center, modern public library, Bahay ng Barangayan Center at multipurpose convention center pati na ang isang performance art theatre.

Ang lugar na pagtatayuan ng center ay dating parke para sa skaters kung kaya’t inanunsyo ni Lacuna na magtatayo din ng skate park sa Paraiso ng Batang Maynila sa tawid lamang ng Manila Zoo, upang mas marami ang maaring makinabang sa mas malaki at ligtas na lugar.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read