Ipinakikita ni Mayor Honey Lacuna (gitna) ang plano para sa bagong school building na itatayo sa Aurora Quezon Elementary School compound sa Malate, Manila. Kasama niya sa larawan sina (mula kaliwa) School Principal Randy Emen, Division of City Schools Supt. Rita Riddle, Rep. Irwin Tieng (5th district), City Engineer Armand Andres at City Architect Pepito Balmoris. Nasa gitna nina Lacuna at Riddle si 5th district Councilor Mon Yupangco. (JERRY S. TAN)

BAGONG GUSALI, ITINATAYO PARA SA AURORA QUEZON ELEMENTARY — MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

PINANGUNAHAN ni Manila Mayor Honey Lacuna ang groundbreaking ng bagong six-storey school building na itatayo sa Aurora A. Quezon Elementary School compound sa Malate, Maynila.

Ibinababa ni Mayor Honey Lacuna ang capsule sa groundbreaking ng bagong school building sa loob ng Aurora Quezon Elementary School compound. Kabilang sa mga nasa larawan sina (mula kaliwa) City Engineer Armand Andres, Councilor Mon Yupangco at (kanan) Rep. Irwin Tieng. (JERRY S. TAN)

Si Lacuna ay sinalubong ng school rondalla na binubuo ng mga bata, kasama ang mga school authorities sa pangunguna ng school principal na si Randy Emen, division of city schools superintendent Rita Riddle, city engineer Armand Andres, District 5 Congressman Irwin Tieng, City Councilors, faculty members, mag-aaral, kawani at magulang mula sa nasabing paaralan.


Napag-alaman kay Andres na ang bagong gusali na itatayo ay mayroong 75 classrooms, library, computer room, convertible hall at canteen, clinic at infirmary, lounge at two elevator units.

“Sana, ang bagong gusaling itatayo dito ay maging inspirasyon di lamang sa mga batang mag-aaral upang magsipag at magsikap sa kanilang pag-aaral, kundi maging sa mga guro na lalo pang pag-igihin, pag-ibayuhin ang kanilang gawain sa paglinang at paghasa sa kaalaman ng kanilang mga mag-aaral,” ayon kay Lacuna.

Bilang kapalit ay nanawagan si Lacuna sa mga school authorities na gawin ang lahat para mapangalagaan ang bagong gusali pati na ang mga pasilidad nito, upang mapakinabangan din ng mga susunod na henerasyon ng mag-aaral sa nasabing paaralan.


“Pagsikapan din sana nating lahat na mapangalagaan at maingatan ito upang maraming mga kabataan ang makagamit nito at maging mahalagang bahagi ng kanilang karanasan sa pagkatuto at pag-aaral sa Aurora A. Quezon Elementary School dito sa lugar ng Malate,” ani Lacuna.

“Ito ay alay natin sa mga Batang Manilenyo. Bahagi ng ating mga hakbang patungo sa pagsasakatuparan ng minimithi nating isang Maringal na Maynila,” dagdag pa ng alkalde.


Binigyang-diin ni Lacuna ang kahalagahan ng edukasyon bilang natatanging kayamanan na maipapamana ng mga magulang at guardians sa kanilang mga anak at alaga, bilang matibay na pundasyon na din na kanilang masasandalan sa hinaharap.

Ayon kay Lacuna, bawat bata ay may karapatan para sa de kalidad na edukasyon kaya naman ang lokal na pamahalaan ay palagiang nakikipagtulungan sa Department of Education upang patuloy na makahanap ng mga hakbang para tugunan ang pangunahing pangangailangan ng mga mag-aaral sa public schools.


“Sa pamamagitan ng masinop at maingat na pangangasiwa sa pondo ng ating lungsod ay patuloy din tayong makapagpapa-ayos, mapagpapatayo, makapagpapaganda ng mga pasilidad sa ating mga paaralan,” pahayag pa ni Lacuna.

Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read