Latest News

Si Manila Mayor Honey Lacuna (ikatlo mula kaliwa) habang pinangungunahan ang groundbreaking ceremenoy ng isang bagong gusali sa Emilio Jacinto Elementary School sa Tondo. Kasama niya sina (mula kanan) city architect Pepito Balmoris, City Engineer Armand Andres, city schools superintendent Rita Riddle, principal Minerva Rosco, Vice Mayor Yul Servo at Councilor Nino dela Cruz. (JERRY S. TAN)

BAGONG GUSALI, ITATAYO SA EMILIO JACINTO ELEMENTARY SA TONDO

By: Jerry S. Tan

PINANGUNAHAN ni Mayor Honey Lacuna ang groundbreaking ceremony ng panibagong school building sa Emilio Jacinto Elementary School sa Tondo, Maynila.

Kasama ni Lacuna sina Vice Mayor Yul Servo, division of city schools superintendent Rita Riddle;, principal Minerva Rosco, City Engineer Armand Andres, Councilor Nino dela Cruz, mga guro, magulang at mag-aaral ng nasabing paaralan kung saan inanunsyo din ng alkalde na ang anim na palapag na gusaling paaralan ay itatayo sa mahigit na 2,800 square meters na land area.

“Ito ay bahagi ng patuloy na pagsisikap ng ating pamahalaang-lungsod ng Maynila, sa tulong ng Kagawaran ng Edukasyon, na matugunan natin ang mga pangangailangan ng mga Batang Manilenyo sa kanilang pag-aaral sa ating mga pampublikong paaralan,” ani Lacuna.


Napag-alaman sa alkalde na base sa plano, ang bagong gusali ay magkakaroon ng 35 classrooms, tatlong science laboratory rooms, tatlong home economics o H.E. rooms, tatlong rooms para sa T.L.E., Faculty Room, Library, Informations Communications Technology Room, Social Hall, canteen, feeding room, practice room at roofdeck para sa outdoor sports, ito ay maliban pa sa basketball court.

Nabatid mula kay Andres na ang eskwelahan na itatayo ay magkakaroon ng dalawang hagdan, male at female comfort room kada palapag at audio-visual room.


“At higit sa lahat, mayroon itong dalawang elevator units upang makatulong sa mga mag-aaral at mga guro na umakyat at bumaba sa ating bagong gusali. Tunay na magandang pasilidad para sa mga taga-Emilio Jacinto Elementary School,” pahayag ng alkalde.

” Ang ganitong mga proyekto ay bunga ng maingat at masinop na pangangasiwa sa pondo ng ating lungsod. Binibigyan natin ng mataas na prayoridad sa paggugol ng salapi ng bayan ang mga payak na kailangan ng ating mga mamamayan. Hangad namin na magsilbi itong inspirasyon para sa ating mga Batang Manilenyo na mag-aral mabuti, gayundin para sa ating mga guro na higit pang magsipag at pag-igihan pa nilang lalo ang kanilang mga gawain,” ayon pa kay Lacuna.


Bilang kapalit ng maganda at mas komportableng bagong gusali, sinabi ng lady mayor na ang tanging hinihiling lang ng pamahalaang-lungsod sa mag- aaral, magulang at faculty members ay magsama-sama sa pangangalaga ng nasabing gusali at mga pasilidad upang mapakinabangan din ng mga ibang mag-aaral sa hinaharap.

“Mapangalagaan at maingatan sana ninyo ang magiging bagong gusali ninyo upang marami pang mga kabataan ang makagamit nito at maging mahalagang bahagi ng kanilang karanasan sa pagkatuto at pag-aaral dito sa Emilio Jacinto Elementary School. Ito ay alay natin sa mga Batang Manilenyo. Bahagi ng ating mga hakbang patungo sa pagsasakatuparan ng minimithi nating isang Maringal na Maynila,” dagdag pa ni Lacuna.

Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read