UPANG lalo pang mabigyan ng mas magandang serbisyo ang mga residente ng first district ng Tondo, pinasinayaan nina Manila Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo ang bagong renovate na emergency room ng Gat Andres Bonifacio Medical Center (GABMC), na ngayon ay maikukumpara na ngayon sa mga pribadong ospital.
Sina Lacuna at Servo ay sinamahan din sa ribbon-cutting nina Dr. Martin, RD Dr. Rio Magpantay, Dr. Jose Mari Castro of DOH, Baseco Hospital Director Dr. Edwin Perez at DOH representatives Arch. David Xavier Dado at Engr. Jasper Abayari.
Pinasalamatan ni GABMC Director Dr. Ted Martin si Lacuna sa suporta dahil aniya, sa loob ng 26 na taon o mula 1998 ay ngayon lang naging fully-airconditioned ang nasabing ospital.
Nagpasalamat si Lacuna sa Department of Health sa tulong, dahil naging posible umano ang improvements sa pamamagitan ng Health Facilities Enhancement Program, na layong pagbutihin pa ang public health facilities sa bansa.
Napag-alaman na bukod sa budget mula sa Maynila ay nagbigay din ng kontribusyon ang DOH upang pondohan ang mga renovations sa GABMC.

Ipinagmalaki ni Lacuna na mayroon nang 30-bed, fully airconditioned emergency room ang GABMC na may bagong strategic layout upang makita ng nurses ang lahat ng pasyente, OB-GYN section, decontamination area at isolation area, at may CCTV ding inilagay para sa seguridad ng mga pasyente.
Ayon naman kay Martin, malaki ang naging papel ng pagkakaroon ng isang mayor na doktora kung kaya’t maayos na naibibigay ang serbisyong pangkalusugan sa mga residente ng Maynila.
Pinuri niya ang totoong malasakit at kalinga ni Lacuna para sa mga residente ng Tondo na siyang pinaglilingkuran ng GABMC bilang ospital ng lungsod sa first district.Bawat district sa Maynila ay may sariling ospital na pinatatakbo ng local government.
Batay sa atas ni Lacuna, sinabi ni Dr. Martin na lahat ng city hospitals, kabilang na ang GABMC, ay tuloy-tuloy ang pagpapaganda ng mga serbisyo lalo na sa pagdalo sa emergency cases at bilin din umano ng alkalde ang pagkakaroon ng ‘compassion, dedication at ‘puso and kalinga’ para sa mga pasyente.
Ayon pa kay Martin, ang GABMC ay mayroon nang ‘properly- arranged patients’ batay sa cases o departments, na kumpleto pa sa DOH isolation requirements.
“Mas maayos na, mas maaliwalas at mas komportable sa patients at sa mga staff at nag-expand kami with additional beds. We now have emergency equipments and medical supplies, CCTV and wifi for communication requirements,” ani Martin.
“St. Luke’ s look-a-like design na ang GABMC, hindi na rin nahuhuli sa mga private hospital, all for the people of Tondo,” dagdag pa nito.