Sa kulungan bumagsak ang isang 25- anyos na babae matapos nitong buhusan ng gas at silaban kahapon sa Tondo, Maynila, ang pinagseselosang kapitbahay na hinihinala niyang may relasyon sa kanyang mister.
Ayon sa Manila Police District (MPD), naganap ang insidente noong Hulyo 26,2024 nang puntahan ng suspek ang biktima habang natutulog ito, saka binuhusan ng gas at sinilaban.
Inamin ng suspek sa pulisya na nagawa niya ang tangkang pagpatay sa biktima dahil sa sobrang galit at pagmamahal sa kanyang asawa.
Naisugod naman sa ospital ang biktima na nagtamo ng sunog sa kamay, leeg at ulo at kasalukuyang nagpapagaling.
Ayon sa biktima, binuhusan siya ng gas habang natutulog at sinindihan sa ulo.
Nagtatalon umano ito sa sobrang sakit habang umaapoy na, hanggang sa isang kaibigan ang nagtapat sa kanya ng hose at binombahan siya ng tubig para patayin ang apoy.
Ikinaila naman ng biktima na may relasyon sila ng mister ng suspek dahil may-asawa din umano siya.
Napag-alaman naman kay PMaj. Philipp Ines, hepe ng MPD-Public Information Office, na hindi ito ang unang pagkakataon na tinangkang patayin ng suspek ang pinagseselosan niyang mga babae.
Noong Oktubre 1, 2022 ay sinaksak umano nito ng basag na bote ang isang babaeng pinaghihinalaan niyang may relasyon sa kanyang mister at kinasuhan rin siya ng frustrated homicide nito.