Si Mayor Honey Lacuna kasama si Paris Olympics double gold medalist Carlos Yulo sa Malacanang.

AUG. 4, IDEDEKLARANG ‘CARLOS YULO DAY’ HOLIDAY SA MAYNILA

By: Jerry S. Tan

Nakatakdang ideklara sa lungsod ng Maynila ang August 4 bilang ‘Carlos Yulo Day’ bilang pagkilala sa double gold Olympic medalist na residente ng Leveriza sa Malate, Maynila.

Pinagitnaan nina Mayor Honey Lacuna at Vice Mayor Yul Servo si President Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos, Jr. sa grand reception ng Philippine Olympians na ginanap sa Malacanang.

Napag-alaman kay Mayor Honey Lacuna na nakatakdang parangalan si Yulo sa Manila City Hall sa Lunes, August 19 at sa kasalukuyan ay pina-plantsa na nila ni Vice Mayor Yul Servo ang mga preparasyon para sa pagtakda ng holiday para kay Yulo at pagtanggap dito sa City Hall.


Isang bonggang pagsalubong ang nakahanda para bigyan ng pagkilala ang taal na taga-Maynilang si Yulo na ayon kay Lacuna ay ‘nagdala ng karangalan ‘di lamang sa mga kapwa Manilenyo kundi sa buong bansa.’

Ayon kay Lacuna, ang Manila City Hall ay magsasagawa ng programa para gawaran ng mga parangal si Yulo at ipagkaloob sa kanya ang cash incentive na nagkakahalaga ng P2 million.

Aniya, sobrang puno ang schedule ni Yulo kung kaya ang awarding ay gagawin na lamang sa Lunes.


Sinabi din ni Lacuna na isa pang Manileño na si pole vaulter EJ Obiena, ang pagkakalooban din ng cash incentive na nagkakahalaga ng P500,000.

Gayunman, ang cash incentive ni Obiena ay ibibigay nang mas maaga dahil pupunta pa ito sa ibang bansa sa Huwebes.


Ayon sa alkalde,ang planong ‘Carlos Yulo Day’ sa lungsod ng Maynila ay magiging working holiday at babalangkasin sa pamamagitan ng isang resolusyon na ipapasa ng konseho kung saan si Servo ang namumuno bilang Presiding Officer nito.

Ang petsang napili ay August 4 dahil ito ang mismong araw kung saan unang nanalo ng gintong medalya si Yulo.


Tags: Mayor Honey Lacuna

You May Also Like

Most Read