Latest News

ATTY. ABANTE, NAGLABAS NG ‘UNDAS ADVISORY’ PARA SA MANILA NORTH AT SOUTH CEMETERIES

By: Jerry S. Tan

Naglabas na ang Manila City Government ng ilang mga alintuntunin na kanilang ipatutupad sa Manila North at South Cemeteries, mula Oktubre 29 hanggang Nobyembre 2, 2023, ngayong nalalapit nang paggunita sa Undas.

Sa isang official advisory mula sa tanggapan ni Atty. Princess Abante, tagapagsalita ni Manila Mayor Honey Lacuna, nabatid na ang paglilinis, pagpipintura, at pag-renovate ng mga puntod ay hanggang sa Oktubre 25 lamang.

Ang paglilibing o interment operations ay ititigil rin muna pansamantala simula sa Oktubre 29, 2023. Ito ay magbabalik naman sa Nobyembre 3, 2023.


Samantala, simula naman sa Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2, 2023, ang mga main gates naman ng Manila North Cemetery at Manila South Cemetery ay bubuksan lamang mula alas-5:00 ng madaling araw hanggang alas-5:00 ng hapon.

Ani Abante, papayagan lamang umano ang mga sasakyan na pumasok sa gate ng Manila North Cemetery hanggang sa Oktubre 25 habang Oktubre 28 naman sa Manila South Cemetery.


Pansamantala ring walang pasok sa tanggapan ng dalawang naturang sementeryo at magbubukas lamang ito sa Nobyembre 3, 2023.

Nagpaalala rin naman ang pamahalaang lungsod hinggil sa mga pagbabawal na ipatutupad sa loob ng mga naturang sementeryo, simula Oktubre 29, 2023 hanggang sa Nobyembre 2, 2023.


Ayon pa kay Abante, bawal ang mga tindero o pagtitinda sa loob ng mga sementeryo, gayundin ang pagpapasok ng anumang uri ng sasakyan, mga nakalalasing na inumin, baraha, Bingo cards, at anumang uri ng gambling paraphernalia.

Mahigpit ding ipinagbabawal ang pagdadala sa mga sementeryo ng mga flammable materials, baril at matutulis na bagay, gayundin ang videoke at iba pang uri ng sound system, na pinagmumulan ng malalakas na tunog.

Samantala, sinabi ni Yayay Castaneda, Directorng MNC na siyang pinakamalaking sementeryo sa bansa, na lahat ng paghahanda ay naikasa na upang tiyakin na magiging maayos at mapayapa ang darating na Undas.

Nang mga nakalipas na taon, sinabi ni Castaneda na di bababa sa isang milyong katao ang inaasahan na magsipunta sa MNC mula November 1 hanggang 2 para bisitahin ang mga namayapa nilang mahal sa buhay,

Ngayong taon, dahil sa ‘long weekend’ na bunsod ng Barangay and Sangguniang Kabataan elections, inaasahan na ang dagsa ng mga tao ay di gaanong mabigat dahil maraming araw silang puwede bumisita sa MNC, ayon pa kay Castaneda.

Tags: Atty. Princess Abante

You May Also Like

Most Read