Latest News

Muling nagpakita ng kababaang-loob si Mayor Isko Moreno nang sabihing 'askal' siya at 'pedigrees' ang mga kalaban niya sa kanyang pagtakbo sa pagka-Pangulo ng bansa.(TSJ)

“Askal” ako, “Pedigrees” mga kalaban ko — Isko

LABANAN ng ‘askal’ kontra ‘pedigrees.’

Buong kababaan na sa ganitong paraan inihalintulad ni Aksyon Demokratiko standard bearer at Manila Mayor Isko Moreno ang kanyang laban sa pagka-Pangulo ng bansa.

Ikinumpara niya ang sarili sa ‘askal’ o ‘asong kalye’ na ang mga kalaban ay mga ‘pedigrees’ o mga asong may mamahaling lahi, bagamat nananalig siyang may pag-asa sa Awa ng Diyos.

“Sila pedigree ako ‘askal’ kasi outsider ako eh… wala ako sa lumaking koponan pero magi-ingat kayo sa askal, me rabies ‘yun malay mo, baka maka-tsamba. May awa ang Diyos,” ani Moreno.

Idinagdag pa nito na kanyang gagamitin ang mga natitirang araw ng pangangampanya sa pamamagitan ng pagkatok sa puso ng lahat ng mga botante na ihalal ang kanyang team dahil nais niyang tulungang makatawid ang mga Pinoy hanggang sa matapos na ang pandemya.

Samantala ay sinabi ni Moreno na may mga karagdagang kandidato na sasama pa sa kanilang team, maliban sa kanya at sa kanyang runningmate na si Doc Willie Ong, at mga kandidatong Senador na sina Dr. Carl Balita, Atty. Jopet Sison at Samira Gutoc.

Ayon kay Moreno, hindi siya pabor na tumanggap ng mga senatoriables bilang guest candidates.

“Tatlo ang Senador kong kandidato pero nakakasiguro naman ako na ako talaga ang dinadala nila,” pahayag ni Moreno.

Napag-alaman na si dating Agrarian Reform Secretary John Castricciones, presidente ng Mayor Rodrigo Roa Duterte-National Executive Coordinating Committee (MRRD-NECC), isang malaking volunteer group na tumulong na kumumbinsi kay President Duterte na tumakbo bilang pangulo at nakatulong sa pagpapanalo nito, ay kasapi na ngayon sa listahan ng Senatorial candidates ni Moreno.

Si Castricciones ay tumatakbo rin bilang senador sa ilalim ng ruling PDP-Laban party. Dahil walang presidential candidate ang PDP-Laban sinabi ni Moreno na kinausap na niya ang kanyang partymates na ampunin si Castricciones at pumayag naman ang mga ito. (Philip Reyes)

Tags:

You May Also Like

Most Read