NANATILING malakas at ‘di matatalo sa Maynila ang Asenso Manileño party at ang standard bearer nitong si Mayor Honey Lacuna, sa gitna ng mga pekeng survey na kumakalat sa ngayon.
Ito ang deklarasyon ng dalawang party stalwarts na sina 3rd district Congressman Joel Chua at second district Rep. Rolan Valeriano, na kapwa nagpahayag ng kumpiyansa na si Mayor Honey Lacuna pa rin ang mananatiling alkalde sa darating na eleksyon.
Binigyang -diin ni Valeriano na maliban pa kay Vice Mayor Yul Servo, lima sa anim na Congressmen ay nananatiling nasa panig ni Lacuna, samantalang mayorya o karamihan ng mga nakaupong konsehal at haligi ng partido ay kay Lacuna din sumama.
“Isa lang naman ang nanggugulo. Ang puso ng nakararami, nasa Asenso Manileño pa rin. We are still the party to beat,” ani Valeriano.
Sa panig ni Chua, sinabi nito na ang Asenso Manileño ay nananatiling napakalakas dahil ang mga haligi at mukha na nagdala sa partido sa kasalukuyang estado nito bilang naghaharing partido sa Maynila sa loob ng maraming taon ay naroon pa rin at aktibong-aktibo kabilang na sina Mayor Lacuna , Vice Mayor Servo, Council majority floorleader Atty. Jong Isip, City Administrator Bernie Ang at maging si Valeriano mismo at iba pa.
“Mas lalo kaming tumitibay. Parte ng isang organisasyon ang mga pagsubok at ako ay naniniwala na ito ay aming malalagpasan,” pahayag ni Chua.
Samantala, binatikos at tinawanan lang nina Chua at Valeriano ang anila ay pagbaha ng mga fake surveys sa social media kung saan pinalalabas ng kalaban sa pulitika ni Lacuna na napakalaki ng kalamangan niya sa nakaupong alkalde.
Ayon kay Chua, ang tunay na survey ay malalaman sa Mayo 12, o mismong sa araw ng halalan.
“Sa May 12, ‘yan ang magsasabi kung sino talaga ang lamang, kung sino tlaga ang mananalo kaya lahat ng survey na lalabas prior to that eh medyo lagyan lang natin ng doubt sa sarili natin, kasi maski dati, makikita natin na ang survey ginagawa nila for mind conditioning. Madali naman ‘yan, kung gusto mo bukas maglabas din kami ng survey,” ani Chua.
Inihalimbawa ni Chua ang insidente kamakailan kung saan. itinanggi ng Pamantasan ng Lungsod ng Maynila (PLM) ang isang social media post kung saan pinalalabas na na-survey ang PLM at malaki ang agwat ng lamang ni Isko Moreno sa iba pang kandidato.
“Nung maglabas ang PLM na wala silang kinonduct na survey, ultimo sila (Moreno) itinatanggi na nila na sa kanila ‘yung post. So, makikita natin na it’s just another form of fake news,” dagdag ni Chua.
Ayon naman kay Valeriano, naniniwala siya na matatalino at mature ang mga botante ng Maynila at hindi niya (Moreno) maloloko ang mga ito, at inihalimbawa ang kanyang karanasan noong nakaraang eleksyon kung saan ang kanyang dalawang katunggali ay nag-post ng survey na kapwa nasa ikatlong puwesto si Valeriano, pero sa huli ay tinalo pa rin niya ang dalawa.
“Simple logic will tell us na kapag ganito pa katagal, two or three months before election, dapat kung totoong lamang ka, dapat tinatago mo para hindi mahabol… alam mo sa sarili mo na niloloko mo pati ikaw di maniniwala sa ginagawa mo. Kahit anong social media ang gawin mo, ‘yung tama hindi magiging mali at ang mali never magiging tama. Lalabas at lalabas yung katotohanan,” ani Valeriano, kasabay ng pahayag na sa kasaysayan ng Maynila, ang mga nagpo-post ng surveys ay madalas na nauuwi sa pagiging kulelat at talunan.
“Lahat ng naglalabas ng fake news at survey, natatalo. “It’s a desperate move… lahat ng naglalabas ng survey to influence voters lalo na kung naupo ka na dati, di mo ginalingan, di mo pinag-igihan tapos ngayon gusto mo manalo ka sa paglalabas ng surey-survey, ‘panalo na ‘ko sumunod na kayo sa akin’. Ultimo driver mo di maniniwala pag ganun,” dagdag ni Valeriano.
Ayon pa sa kanya, “Pag naglalabas ka ng mga pekeng survey, siguro me niluluto ka. Sa ibang lugar puwede mo siguro gawin ‘yun pero sa Maynila, matalino botante dito. Minsan, ‘yung iba, naglalabas ng survey just to solicit funds. Tapos maririnig mo pumunta sa isang tycoon- o, heto survey ko, pag nanalo ‘ko bibigyan kita ng project’- kaya nga sinasabi ko, ‘yung mga naglalabas ng pekeng survey sigurado ako ‘yung purpose nun eh hindi maganda.”
Bilang panghuli ay binanggit ni Valeriano si Sun Tzu na nagsaad sa kanyang Art of War: “appear weak when you are strong and strong when you are weak” at iniiwan na umano niya sa publiko ang pasya kung saan nabibilang ang mga nasa likod ng pagpapakalat ng mga pekeng survey.