Si Mayor Honey Lacuna kasama si UDM President Felma Carlos-Tria kung saan pinag-usapan nila ang guidelines para sa UDM applications na sisimulan ng UDM sa March 4, 2024. Kasama nila sa larawan sina (kanan) Manila Health Department chief Dr. Arnold 'Poks' Pangan at asawa ni Tria na si Atty. Dominic Tria. (JERRY S. TAN)

APPLICATIONS SA UDM NAG-UMPISA NANG TANGGAPIN – MAYOR HONEY

By: Jerry S. Tan

Inihayag ni Manila Mayor Honey Lacuna na simula ngayong Lunes, Marso 4, 2024, ay magsisimula nang tumanggap ang Universidad de Manila (UDM) ng aplikasyon para sa UDM College Admission Test para sa School Year 2024-2025.

Ayon kay Lacuna, nakapaskil na ang admission guidelines sa social media at ang makakapasa dito ay tiyak nang magkakaroon ng de kalidad na tertiary education.


Sinabi naman ni UDM President Felma Carlos-Tria na ang mga aplikante ay kailangang mag- schedule ng online appointments upang isumite ang kanilang mga application requirements.

Paalala naman ni Tria, ang mga walang appointment ay hindi papayagang makapasok sa UDM Campus.

Ani Tria, ang Online Appointment System ay maaaring i-access sa pamamagitan ng link na reg.udm.edu.ph/udmadmission.


Dagdag pa niya, ang pag-access sa Online Appointment System ay kada Distrito o sa lugar kung saan naninirahan ang aplikante.

Nabatid na ang iskedyul para sa District 1 ay sa Marso 4 hanggang 5; District 2 ay sa Marso 6 hanggang 7; District 3 ay sa Marso 8 hanggang 9; District 4 ay sa Marso 10 hanggang 11; District 5 ay sa Marso 12 hanggang 13; at District 6 ay hanggang sa Marso 14 hanggang 15.


Ang iskedyul naman para sa lahat ng Distrito ay ie-entertain mula Marso 16 hanggang 18.

Matapos aniya ang matagumpay na completion ng onIine appointment, kailangan ng aplikante na i-print o i-screenshot ang kanyang Appointment Confirmation. Ito ang ipiprisinta ng aplikante, kasama ang kanyang balidong ID, sa UDM Security para sa beripikasyon sa araw nang pagsusumite ng kanyang requirements.


Base sa UDM guidelines, ang aplikasyon na may incomplete requirements ay hindi ipu-proseso.

Maaari namang madiskuwalipika o mapawalang-bisa ang aplikasyon ng isang estudyante kung nagkaroon ng falsification o misrepresentation ng impormasyong ipinasok sa appointment system at application form; nabigong sumunod sa mga tagubilin sa aplikasyon; nagsumite ng hindi kumpleto at mapanlinlang na mga dokumento at late submission o huling pagsusumite ng mga kinakailangang dokumento.



Tags: Manila Mayor Honey Lacuna

You May Also Like