Latest News

Peoples Tonight Online

ANG HAMON KO KAY LOPEZ

Nakakabagbag-damdamin kung paano mahigpit na nakikiusap ang mga senior citizens ng Maynila sa pamahalaang-lokal nang magtungo ang mga ito sa City Hall para hilingin na huwag hayaang pulitikahin ng kandidatong si Alex Lopez ang kanilang buwanang ayuda na sa loob ng dalawang taon ay ngayon lamang nila naranasan na mahinto nang pansamantala.

Bilang isa ring senior citizen, nauunawaan ko ang kalagayan nila dahil sila ay nasa estado ng buhay kung saan may mga sakit na silang iniinda na kailangan ng maintenance at karamihan sa kanila ay retirado na sa trabaho at wala nang regular na pinagkukuhanan ng pambili ng mga gamot at iba pang pangangailangan.

Kung tutuusin, munting tulong lamang ng pamahalaang pinamumunuan nina Mayor Isko Moreno at Vice Mayor Honey Lacuna ang P500 kada buwan na financial assistance na ibinibigay hindi lamang sa 178,759 senior citizens kungdi maging sa mga solo parents, mag-aaral sa mga Pamantasang pinatatakbo ng Maynila at mga persons with disability.


Taong 2020 pa ito inumpisahang ibigay sa ilalim ng social amelioration program na pinaghirapang binalangkas nina Moreno at Lacuna para matulungan ang mga pinaka-apektadong mamamayan ng Maynila dulot ng pandemya.

Ngayon, itong si Lopez, wala na ngang naitulong, gusto pang ipahinto ang nasabing munting benepisyo ng senior citizens sa pamamagitan ng pagkwestyon sa pagbibigay nito.

Napakarami niyang katanungan kuno gayung dalawang taon ang lumipas na hindi siya kumibo. Mano man lang kung siya ay may naitulong sa kahit na isa sa 178,759 senior citizens ng Maynila noong kasagsagan ng pandemya kung kelan halos lahat ay nawalan ng hanapbuhay at makakain.

Matatandaang ipinagpaliban ang pagbibigay ng P1,500 na allowance ng mga senior citizen para sa first quarter ng 2022 dahil lang sa ginawang pagkuwestiyon ni Lopez sa Comelec ukol sa distribusyon nito.


Kinailangan kasing pagbigyan muna ang sulat ni Lopez kung saan kailangang magpalitan ng liham ang Office of Senior Citizens, city legal office, Comelec at pati tanggapan ko mismo.

Malas lang ng mga kandidatong dala nitong si Lopez dahil siguradong madadamay sila sa himutok ng mga senior citizens na nagngingitngit lahat dahil pati benepisyo nila ay nakaladkad sa pamumulitika ni Lopez.

Ewan ko lang kung paano makukumbinsi nitong si Lopez ang sinumang kandidatong dinidikitan niya at pinapangakuang mabibigyan ng panalo sa Maynila.

Ultimo sarili niya hindi niya maipapanalo sila pa kaya? Tandaan. Walang takbo itong si Lopez na nanalo siya sa Maynila.


Huling takbo nito bilang Congressman sa ikalawang distrito ay nilampaso siya ng nanalong si Congressman Valeriano. In short, mismong sa sarili niyang distrito ay hindi siya nanalo sa buong Maynila pa kaya?

Heto ngayon ang hamon ko kay Lopez, na pati ayuda ng mga senior citizens ay hindi na pinatawad para sa sariling maruming pulitika: Kung iligal ang pamimigay nito na ginagawa mula pa 2018, awatin mo!

(Comments and suggestions may be emailed to [email protected].)

Tags: bernie ang, vantage point

You May Also Like

Most Read