Itinakda sa lungsod ng Maynila ang Agosto 8 ng kada taon bilang ‘Mayor Alfredo S. Lim Day,’ bilang pagbibigay ng parangal at pagkilala sa mga legacy ng yumaong alkalde, gayundin sa kanyang hindi matatawarang kontribusyon, serbisyo at dedikasyon para sa lungsod ng Maynila.
Kasabay nito ay pinuri at pinasalamatan ni Manila Mayor Honey Lacuna ang Manila City Council, sa pamumuno ni Vice Mayor at Presiding Officer Yul Servo, sa mabilis na pagpasa ng resolusyon na nagdedeklara bilang ‘Mayor Alfredo S. Lim Day’ sa lungsod, sa mga araw ng Agosto 8, na siya ring araw ng kamatayan ng dating alkalde.
Nabatid na ang naturang resolusyon ay iniakda ni Councilor Numero Lim ng ikalawang distrito ng Maynila.
Sa nasabing resolusyon, nakasaad kung paano nagsimula si Mayor Lim sa kahirapan at naging ‘most respected public servant’ sa buong bansa, sa pamamagitan ng pag-aalay ng kanyang buhay sa paglilingkod sa mamayang Pilipino, partikular sa mga residente ng Maynila.
Sinuportahan naman ito ng lahat ng mga Konsehal na nabibilang sa majority, na kinabibilangan ng apo ni Mayor Lim na si Councilor Nino dela Cruz ng unang Distrito, na nagpaabot rin ng pasasalamat sa kanyang mga kapwa konsehal.
Nabatid na kabilang sa mga nagawa ng namayapang si Mayor Lim ang pagtatatag ng ilang pampublikong pagamutan tulad ng Gat Andres Bonifacio Memorial Medical Center, Ospital ng Tondo, Justice Jose Abad Santos General Hospital, Ospital ng Sampaloc at ang Sta. Ana Hospital na nagkakaloob ng mga pangunahing serbisyong pangkalusugan at hanggang ngayon ay pinakikinabangan ng mga residente, matapos na higit pang palakasin sa ilalim ng administrasyong Lacuna.
Binanggit din sa resolusyon ang commitment ni Lim sa edukasyon na pinatunayan ng maraming itinayong paaralan, pagpapahusay sa mga educational facilities at ang pagbibigay ng scholarships, upang tiyakin na may access ang lahat ng mga bata sa Maynila sa edukasyon.
Sa ilalim ng inisyatibo ni Mayor Lim ay naitatag din ang livelihood programs, naitayo ang senior citizen centers at nagkaroon ng housing projects na nagpataas sa antas ng kabuhayan ng ‘marginalized’ at ‘underprivileged sectors’ ng lipunan.
Gayundin, sa liderato rin ni Mayor Lim ay nagkaroon ang lungsod ng mga infrastructure development, kabilang na ang road improvements, beautification projects, restoration ng historical landmarks, na hindi lang nagpa-moderno sa lungsod kundi nag-preserve ng mayamang pamanang kultura ng Maynila.
Ayon kay Lacuna, si Mayor Lim ay lumikha ng markadong pamumuno nang itatag din niya ang Universidad de Manila o UdM na nagbibigay ng libreng tertiary o college education para sa mahihirap ngunit karapat-dapat na mga estudyante ng Maynila, pati na rin ang 44 health centers at dalawang evacuation centers sa Baseco at Del Pan na malaking tulong hanggang sa ngayon para sa mga residente ng Maynila, lalo na tuwing may kalamidad.














