Hinikayat ni Manila Mayor Honey Lacuna ang publiko, partikular na ang mga Manilenyo, na samantalahin ang long weekend upang bisitahin ang puntod ng kanilang mga yumaong mahal sa buhay, na nakalibing sa Manila North Cemetery at Manila South Cemetery.
Ito’y upang maiwasan ang pagdagsa ng mga tao sa mga naturang sementeryo sa Nobyembre 1, na mismong araw ng Undas.
“Bago pa mag-November 1 at November 2, dalawin nyo na ang inyong mga kaanak nang sa gayon ay di kayo sumasabay sa bulto,” ayon pa kay Lacuna.
Kasabay nito, nanawagan rin ang alkalde sa publiko na agahan ang paglilinis sa puntod ng kanilang mga mahal sa buhay, bago ang deadline na itinakda dito sa Oktubre 25.
Paglampas kasi aniya sa naturang petsa ay hindi na papayagan pa ang paglilinis ng puntod.
Nagpaalala pa ang alkalde na huwag nang magdala ng mga alagang hayop sa sementeryo, gayundin ng iba pang prohibited items gaya ng baril, bladed weapons, flammable materials, gambling paraphernalia gaya ng playing cards o bingo sets at maging loud speakers, o anumang bagay na nagdudulot ng ingay, na makaiiatorbo sa solemnity ng okasyon.
Dagdag pa ng alkalde, hindi na rin papayagan ang mga pribadong sasakyan sa loob ng mga sementeryo, simula sa Oktubre 28 hanggang Nobyembre 2.
Mayroon naman aniya silang mga e-trikes sa sementeryo na magbibigay ng transportasyon para sa mga senior citizen at mga persons with disbility (PWD).
Mas makabubuti aniya kung magbaon na lang ng sariling pagkain dahil bawal ang magtinda sa loob ng sementeryo.