Latest News

Sina Mayor Honey Lacuna, social welfare chief Re Fugoso at Councilor Roma Robles habang tinatanggap ang mga parangal mula kay DILG-Manila Director John Visca. (JERRY S. TAN)

ADMINISTRASYON NI MAYOR HONEY, HUMAKOT NG PARANGAL SA PAGBIBIGAY PROTEKSYON SA MGA BATA

By: Jerry S. Tan

MULING humakot ng mga parangal ang administrasyon ni Mayor Honey Lacuna sa prestihiyosong 2024 Urban Governance Exemplar Awards dahil sa todo at tuloy-tuloy na mga programa nito upang bigyan ng proteksyon ang mga batang taga-Maynila.

Tatlong karangalan ang tinanggap ng pamahalaang- lungsod ng Maynila sa ika-22 taong selebrasyon ng National Children’s Month na ginawa sa City Hall.

Personal na tinanggap ni Lacuna ang tatlong parangal kasama sina Manila Department of Social Welfare head Re Fugoso at Manila Council for the Protection of Children Vice Chairperson Councilor Roma Robles, na pawang nagpasalamat sa Department of Interior and Local Government (DILG) para sa mga pagkilalang iginawad sa lungsod. Ang nasabing parangal ay ipinagkakaloob ni DILG-Manila Director John Visca.


Kaugnay nito ay nagpahayag si Lacuna ng labis na pasasalamat at binigyang-kredito ang pagsisikap ng lahat ng opisyal at kawani na may kinalaman sa mga programa na naging basehan upang mabigyan ang pamahalaang- lokal ng mga nasabing karangalan.

Napag-alaman na sa ikatlong sunod na taon, ang pamahalaang- lungsod ng Maynila ay kinilala sa marami nitong inisyatibo sa pagbibigay ng proteksyon sa mga batang Manilenyo sa pamamagitan ng pinakamataas na pagkilala bilang ‘Ideal Local Council for the Protection of Children (LCPC) Audit.’

Sa ikalawang pagkakataon, ang Maynila ay muli ring ginawaran ng karangalan sa pagkakaroon ng ‘Highly-Functional Local Committee on Anti-Trafficking and Violence Against Women and Children (LCAT-VAWC)’, habang ang ikatlong parangal na natanggap ng lungsod ay para naman sa ‘High Performing Peace and Order Council Performance Audit.’

“Ang mga pagkilala at parangal na ito ay dapat na magbigay sa atin ng higit pang inspirasyon upang ipagpatuloy ang ating mga nasimulan, lalo pang palawakin ang mga programa at proyekto na atin nang ginawa at palakasin pang lalo ang ating kakayahang pangalagaan at bigyang-proteksyon ang mga batang Manilenyo,” ani Lacuna.


“Isang malaking tagumpay para Manila Council for the Protection of Children ang pagsasagawa ng Childrens’ Congress sa tulong ng Network of Duty Bearers at ng Manila Health Department. Ang nasabing Childrens’ Congress ay naging daan upang marinig natin ng boses ng mga batang Manilenyo at maging mulat tayo sa kanilangmga pananaw sa iba’t- ibang mga kaganapan sa ating lipunan,” dagdag pa nito.

Sa kanyang ‘State of the Children Address’ ay muling inihayag ni Lacuna ang ‘commitment’ ng kanyang administrasyon na suportahan ang lahat ng hakbangin tungo sa buong proteksyon ng mga bata lalo na laban sa anumang uri ng karahasan.

Sa nasabi ring okasyon, ang iba’t-ibang pinuno ng mga departamento, kawani at child protection advocates ay sumumpa rin na magtatrabaho para sa pag-unlad at kaligtasan ng mga batang taga-Maynila.


Tags: ,

You May Also Like

Most Read